Una sa Balita

Sapat na kita magpapabagsak sa gutom

By
0 805

KINATIGAN ni Senador Sonny Angara ang pa­nawagan ng World Bank na kailangang magkaroon nang mas maraming trabaho na may mataaas na sahod upang mabilis na malunasan ang kahirapan sa bansa.

Tinukoy ni Angara ang poverty assessment sa Pilipinas kung saan ini­hayag ng World Bank na bagama’t mabilis ang pag­lago ng ekonomiya, nana­natiling mataas ang antas ng kahirapan dahil mabagal ang mga hakba­ngin upang mabawasan ito.

Sa datos hanggang noong 2015, nasa 22 mil­yong Pinoy ang below national poverty line.

“Making the country’s economic growth inclusive—which means ensu­ring that it improves the lives of poor Filipinos—has been quite a challenge. The country’s economic gains must lead to the creation of more high-paying jobs. Trabaho pa rin talaga ang susi laban sa kahirapan. Kapag may sapat na kita, permanente at disenteng trabaho, si­guradong aangat ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Angara.

Nakakatulong naman anya ang mga alok na trabaho ng gobyerno kaya’t bumaba ang unemployment rate sa 5.3%.

Gayunman, kung ka­lidad ng trabaho ang pag-uusapan, patuloy ang paghina nito.

Iginiit ni Angara na dapat ang Public Employment Service Office (PESO) ang manguna sa pagresolba sa job-skills mismatch at pagtiyak na may well paying at stable na trabaho.

“Kung may sapat lamang na kita, hindi na magugutom ang mga kababayan natin lalo na sa mga kanayunan. Tulungan natin silang magkaroon ng permanente at disenteng trabaho para mabigyan nila ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak,” giit ni Angara.