Una sa Balita

SAP Go dikit sa Top 12

0 238

IKINATUWA ni dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang patuloy na tiwala sa kanya ng mga Pinoy matapos na umakyat sa ika-14 ang kanyang rating sa mga kandidato sa pagka-senador sa idinaos na survey ng Pulse Asia noong nakaraang buwan.

Aniya, nagpapa­salamat siya dahil ang pag-akyat niya sa ika-14 mula sa ika-22 hanggang 27 puwesto ay patunay na dumarami na rin ang nagtitiwala sa kanyang kakayahan na makapag-ambag ng pagbabago sa pamamagitan ng mga isusulong niyang hakbangin sa Senado.

“Labis po akong nagpapasalamat sa patuloy na tiwala ng marami na­ting kababayan sa ating kakayahan na makapag­lingkod sa ating bayan,” ani Go.

“Nakakataba po ng puso na mula sa September 2018 survey ng Pulse Asia kung saan nasa 22-27 ang ating ranking ay lumundag tayo sa 14-16 rank. Ang malaking pag-angat ay dahil sa patuloy na suporta ninyo – hindi lang para sa akin pero pati rin kay Pangulong Duterte,” dagdag niya.

Umangat din ang puwesto ng dating SAP sa ika-14 hanggang ika-15 sa isinagawang senatorial reference survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 16 hanggang 19 ng nakaraang taon.

Dahil dito, tiwala ang mga supporter ng dating SAP na mas malaki na ngayon ang tsansa ng huli na makalusot sa ‘Magic 12’ circle sa natitirang buwan bago idaos ang 2019 local at national elections sa Mayo 13.

Samantala, pasok naman sa Top 10 si Go nang makopo niya ang ikawalong puwesto sa isinagawang comprehensive nationwide survey ng DZRH, ang flagship station ng Manila Broadcasting Company (MBC) noong Nobyembre 17 kung saan ay mayorya ng 7,450 respondent ang nagtiwala sa kanyang kakayahan na maging miyembro ng Senado.

“Bagamat tayo po ay natutuwa sa pagtaas sa iba’t ibang survey, hindi naman po tayo titigil sa pagkilos natin at pagtulong sa ating mga kababayan lalo na ang mga nanga­ngailangan. Lalo lamang po itong nagbigay sa akin ng inspirasyon at determinasyon na ipagpatuloy ang totoong serbisyo na nararapat matanggap ng bawat Pilipino,” ayon kay Go.

Aniya, apat na buwan pa bago sumapit ang eleksyon at hindi niya aniya papayagan na maka-apekto sa kanyang adbokasiya ang gumagandang resulta ng kanyang rating.

“Tuloy-tuloy lang po ang pagtulong ko kay Pangulong Duterte at sa kapwa Pilipino. Kahit ano naman po mangyari at kung san man tayo dalhin ng tadhana, habang buhay ako magsisilbi at magbibigay serbisyo sa inyo,” diin ni Go.

“Asahan po ninyo na patuloy po nating susuportahan ang mga nasimulang programa ni Pangulong Duterte. Dapat ituloy ang tunay na pagbabago,” dagdag pa niya.