Una sa Balita

Santiago hahalukay ng datung sa SoKor INAALAT sa N.U., susubok sa abroad.

By
0 1,076

Ito ang sunod na plano ng isa sa pinakamagaling na college volleyball player ng bansa ngayon na si Jaja Santiago.

Balak nitong subukan ang kanyang ta­lento sa South Korea kapag natapos na ang kanilang mga laban sa kasalukuyang UAAP Season 80 women’s volleyball tournament.

Ayon dito, magta-tryout siya sa Korea sa Mayo 3-5.

“Tryout meron pero wala sa ngayon, wala pang team,” sambit nito. “Tryout talaga siya. So kapag nag-tryout ka may mga team na pipili sa’yo.”

Pero gusto muna ni Santiago na pagtuunan muna ng pansin ang kasalukuyan na UAAP Season 80 lalo na’t nalalagay sila sa delikadong sitwasyon matapos nilang makatamo ng limang sunod-sunod na talo.

“Pero hindi ko muna iniisip pa. May agent na tumulong (sa akin) pero hindi ko pa siya muna talaga iniisip kasi siyempre mahirap nang ma-jinx,” dagdag nito. “Pero kung para sa akin, para sa akin.”

Dati nang may mga kumukuhang eskuwelahan sa US NCAA kay Jaja tulad ng UCLA noong 2013 ngunit mas pinili niyang manatili sa Lady Bulldogs.

At bago mag-umpisa ang Season 80 ng UAAP ay kinukuha din si Santiago bilang import sa Thailand League sa koponan ng Bangkok Glass ngunit hindi niya rin ito tinangap.

Kung sakaling makakadiretso ang Lady Bulldogs sa finals ng torneo maa­ring hindi siya muling magtuloy sa tryout niya sa Korea.

“Kasi yung (tryout) na ‘yun ay May 3 to 5 ‘yun, eh di ba (UAAP) Finals?” ani nito. “Pero sabi ko sa teammates ko na mas gusto kong maglaro sa championship kaysa naman sa maglaro ako doon.

Kasi pwede pang dumating ulit (ang chance sa international) pero ang championship, last year ko last na ‘yun.”