Una sa Balita

Santa Isabel, dakilang ‘peacemaker’!

By
0 542

Pinaparangalan ngayong araw ng Simbahan si Santa Isabel na taga-Portugal, ang binansagang ‘Dakilang Taga-pamayapa’.

Isang handog ng Diyos sa marangal na pamilya ni Haring Pedro III ng Aragon, Spain ang itinakdang Reyna at Santa ng Portugal. Ipinangalan siya kay Santa Isabel ng Hungary na kaniyang tiyahin.

Sa edad na 12, ipinangako at nakasal si Isabel kay Dionisio, hari ng Portugal.

Biniyayaan sila ng dalawang anak, si Constancia na na­ging Reyna ng Castile at si Alfonso na nagmana naman ng trono ng Portugal. Ngunit hindi naging tapat na asawa si Dionisio nang magkaroon pa ito ng mga anak sa iba’t ibang babae.

Sa kabila ng pagkasiphayong dulot ng pagtataksil ng hari, nanatiling tapat at matatag ang reyna bilang asawa at ina. Idinaan ni Isabel ang lahat sa panalangin na nagdulot ng pagbabago at pagbabalik-loob ‘di-kalaunan sa kabiyak.

Matapang na hinarap ng reyna ang mga pagsubok at kaguluhan sa kaniyang ganapin sa kaharian at pamilya.

Kahanga-hanga ang halimbawang ipinamalas ni Isabel sa mga anak sa labas ng kaniyang asawa — sila’y kaniyang inaruga at itinuring bilang tunay na mga anak! Nang magkaroon ng a­litan ang kaniyang mag-ama, siya ang tumulong na magkasundo ang dalawa at nang muntik nang magpatayan sa giyera ang kaniyang manugang at anak, siya rin ang namagitan upang magkaroon ng unawaan.

Totoong likas na ‘peacemaker’ ang ating mapagkawang-gawang pintakasi. Na­ging panatag ang kaniyang loob sa pamamagitan ng panalangin at pagtulong sa mga kapus-palad. Nagpatayo siya ng ospital, tahanan para sa mga babaeng naliligaw ng landas at bahay-ampunan para sa mga bata. Naghandog din siya ng isang monasteryo para sa mga monghang Pransiskano.

Nang mamatay si Haring Dionisio, i­pinamigay ni Isabel ang kaniyang mga ari-arian sa mga dukha. Hiniling niyang mapabilang sa ‘Third Order Franciscans’, isang grupo ng mga layko na sumusunod sa ispiri­t­walidad ni San Francisco ng Assisi kahit hindi sila nagiging ganap na pari o madre. Karaniwan ay patuloy silang nakatira sa sari­ling tahanan kung saan ginagampanan ang kanilang misyon.

Ginugol ng biyudang si Isabel ang mga natitira niyang taon sa mundo sa panalangin at sa mga gawaing pang­­­kawang-gawa para sa mga mahihirap. Nanirahan siya malapit sa isang kumbento ng mga mongha ni Santa Clara sa Coimbra, Portugal kung saan namuhay siya bilang isang taong namanata sa Diyos. Sa edad na 65, binawian si Santa Isabel ng buhay at inilibing sa monasteryo.

Isang hamon ang buhay ng ating ginugunitang Santa lalo na para sa napakaraming naka­raranas ng pagkasiphayo dahil sa kataksilan ng asawa, katigasan ng puso ng anak, pagmamalupit ng magulang o pakikialam ng kamag-anak — lahat ng ito ay pinagdaan ni Isabel!

Nawa tulad niya ay maging sanhi ng lakas at takbuhan din natin ang panalangin sa lahat ng kaganapan sa ating buhay, habang patuloy tayong gumagawa at nananala­ngin sa ipagkakasundo ng lahat.