Una sa Balita

Sanofi umamin na, nagpapalusot pa

0 954

Malaki ang naging epekto sa mamamayan mula nang sumabog ang iskandalo sa Dengvaxia vaccines. Patunay ang pagdagsa nitong araw ng Lunes sa tanggapan ng Public Attorney’s Office ng mga magulang kasama ang kanilang mga anak na naturukan ng Dengvaxia upang magpa-blood test.

Takot ang nangingibabaw ngayon sa damdamin ng mga magulang dahil sa pag-aalala sa kaligtasan ng kanilang mga anak. Hindi rin sila masisisi kung mawalan na rin ng tiwala sa immunization program ng Department of Health para sa iba pang sakit.

Sa dami ng naririnig nila ngayon na kaliwa’t kanang paliwanagan at batuhan ng sisi mula sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan ay nalilito na rin ang mga tao kung ano ba talaga ang totoo. Nakadagdag pa lalo sa kalituhan ang mga pahayag ng Sanofi Pasteur na siyang gumawa ng Dengvaxia vaccine.

“Based on up to six years of clinical data, the new analysis evaluated long-term safety and efficacy of Dengvaxia in people who had been infected with dengue prior to vaccination and those who had not. The analysis confirmed that Dengvaxia provides persistent protective benefit against dengue fever in those who prior infection. For those not previously infected by dengue virus, however, the analysis found that in the longer term, more cases of severe disease could occur following vaccination upon a subsequent dengue infection,” ayon sa inilabas na pahayag ng Sanofi noong Nobyembre 29, 2017.

Malinaw sa kanilang paliwanag na maaaring magdulot ng mas malalang sakit ang Dengvaxia sa mga naturukan nito na hindi pa tinamaan ng dengue. Pero ngayon ay sinasabi ng Sanofi na epektibo pa rin ang Dengvaxia.

Mahirap talaga kapag higanteng kompanya ang kalaban. Subalit wala tayong dapat ikatakot dahil unang-una ay sila ang umamin na may depekto ang Dengvaxia.