Una sa Balita

Sangkot sa iligal na droga ‘wag iboto – Malacañang

By
0 965

NANAWAGAN ang Malacañang sa mga botante na maging matalino sa pagpili ng mga kandidato at huwag iboto ang mga sangkot sa iligal na droga sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo.

Sa harap na rin ito ng naging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ilabas ang listahan ng may 200 opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na droga.

Dapat aniyang makilala at mapangalanan ang mga opisyal para hindi na makaulit sa puwesto at hindi magamit ang kanyang kapangyarihan sa illegal drug trade.

Abante Hiring – IT dep

“Huwag po nating ihalal iyong mga may koneksyon sa droga. Barangay election ito. Alam naman ng mga barangay kung sino talaga ang nasa droga. Kung ang pangalan mo ay nariyan, kumpirmasyon na lang iyan. So hayaan natin iyong mga nasa barangay dahil kilala talaga nila iyong mga kapitbahay nila magsabi kung tama o mali iyong listahan na iyan,” sabi pa ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Binigyang-diin pa ng kalihim na hindi labag sa batas ang pagsasapubliko sa listahan ng mga barangay official na sangkot sa droga dahil ang mga ito ay halal na opisyal.

Mas mainam aniyang malaman ng mga botante kung anong uri ng opisyal ang kanilang iboboto dahil kapag muling nanalo ang mga ito ay tiyak na magtutuloy-tuloy ang pamamayagpag ng mga ito.