Una sa Balita

Sangkaterbang reklamo vs PLDT-Smart-MVP dinedma NTC lagot sa kongreso

By ,
0 3,487

PAGPAPALIWANAGIN ni Senate Committee on Public Services chairperson Senator Grace Poe ang Philippine Long Distance Telecommunications, Inc. (PLDT) kaugnay sa sangkaterbang reklamo ng mga subscriber sa kanilang serbisyo.

Sa gitna ito ng araw-araw na pag-ulan ng reklamo laban sa kompanya sa social media dahil sa kawalan ng internet connection, walang sumasagot sa hotline numbers at matagal na pagpila sa mga service center.

Aalamin din ni Poe sa National Telecommunications Commission (NTC) ang mga hakbang na ipinatutupad nito upang tugunan ang mga reklamo laban sa higanteng kompanya.

Ayon kay Poe, magpapadala sila ng sulat sa kompanya at hihi­ngin ang paliwanag sa dumaraming reklamo.

Kung hindi anya sila makontento sa paliwanag ay agad silang magpapatawag ng pulong kaharap ang mga kinatawan ng kompanya at NTC kung kinakailangan sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa November 12.

“Sulatan namin sila to explain. If necessary we will call them for a meeting when sessions resume,” saad ni Poe sa Abante.

Bago mag-break ang Senado noong October 12 ay nagsagawa ng explanatory hearing si Poe kaugnay sa pagpasok ng ikatlong telco player.

Sa pagdinig, nanawagan si Poe sa mga bidder na huwag nang i-delay ang proseso ng pagpasok ng ikatlong kompan­ya upang agad nang masolusyunan ang problema sa duopoly ng mga higanteng kompanya.

Para naman kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, pag-uusapan nila kasama ang Makabayan bloc ang kawalang aksiyon ng NTC sa mga problemang ibinabato sa PLDT at Smart.

Giit ni Castro, maghahain sila ng re­solusyon para kalam­pagain ang NTC.

Matatandaang tumatakbo na sa social media ang mga PLDT subscriber dahil sa masamang internet connectivity.

Sa record nakaraang linggo ay lumalabas na sa loob lamang ng 20 minuto ay nakatanggap ang outagereport.ph ng 19 ulat na nagkakaproblema ang PLDT.

Sa mga nagreklamo, 45% ang nagsasabing wala ang internet nila samantalang 44% ang nagsabing mabagal ang internet nila. May 5% naman ang nagreklamo na may problema ang kanilang landline at 3% ang walang Wi-Fi. Karamihan ng nagre­reklamo ay nasa Makati, Manila, at Muntinlupa. Ang iba ay nagrereklamo noon pang Lunes nang gabi.

Ayon kay Czarina Brozo @czariiney sa Twitter, hindi maayos ang problema sa bagal ng internet ng PLDT dahil sinibak nito ang mga taong nag-aayos nito.

“The people who are supposed to respond and personally go to your house to fix the internet are CONTRAC­TUALS. They are terminated. Walang naipapadala ang PLDT dahil tinanggal nila sa trabaho yung mga manggagawa,” sabi niya. Isa pa sa kinaiinis niya sa PLDT ay kung ano ang kinabagal ng internet nito at kung gaano kabagal ito umaksiyon sa reklamo, ganoon naman ito kabilis ma­ningil at magbenta ng kung ano-anong promo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy