Una sa Balita

Sanchez naispatan sa laguna

0 891

IPASISIYASAT ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang ulat na naispatan sa Calauan, Laguna ang nakakulong na convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez.

Bunsod ito ng mga kumalat na ulat sa social media na si Sanchez ay nakita pa sa kanyang bahay sa Calauan, may dalawang buwan na ang nakakaraan.

Ayon sa isang taxi driver na itinago sa pangalang Roland, ng Calauan, Laguna, na kapitbahay ni Sanchez, gabi-gabi umano dumadating ang dating alkalde sa kanyang bahay.

“Driver po ako ng taxi sa Manila at halos gabi na rin po ako umuwi sa Calauag at doon ko nakikita si mayor (Sanchez) na nasa bahay niya ay may mga kausap na mga tao,” ani Roland.

Ayon pa kay Roland, mga buwan ng Hunyo at Hulyo nga­yong taon, nakikita rin si Sanchez ng mga ibang kapitbahay niya na umuuwi siya kada gabi sa kanilang tahanan sa Calauan, Laguna.

“Marami po ang nagsasabing nakikita nila si mayor kapag gabi sa kanilang bahay, ngunit takot silang magsalita,” ayon pa kay Roland.

Agad namang nagpatawag ng press conference si Bureau of Correction (BuCor) Director General Nicanor Faeldon nitong Huwebes, at pinabulaanan ang ulat na nakakalabas ng kulungan ang dating alkalde para umuwi ng kanilang bahay sa Calauan.

“Kahit kailan po simula nang makulong itong si dating Mayor Sanchez ay hindi nabig­yan ng special treatment doon lamang po siya nanatiling nakakulong sa kanyang selda,” ani Faeldon.

Dinala pa ni Faeldon ang mga mamamaha­yag sa selda ng alkalde upang mapatunayan na nakakulong ito.

Nakita ng mga mamamahayag si Sanchez na palakad-lakad sa Maximum Security Compound ng NBP at nang tawagin ang kanyang pangalan ay kuma­way pa ito.
Good behavior? Nambukol, bumatak, ‘di nagsori
Pinalagan naman ng mga senador at ilang kongresista ang napi­pintong paglaya ni Sanchez at balak pa itong paimbestigahan dahil sa tila pagkakamali ng Bureau of Pardon and Parole (BPP) sa kanilang komputasyon sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ni Sanchez para maging kuwalipikado ito sa maagang paglaya kahit hinatulan ng pitong life sentence sa paggahasa at pagpatay sa UP student na si Aileen Sarmienta, at boyfriend nitong si Allan Gomez noong Hunyo 1993.

Ayon kay Senador Franklin Drilon, dating Justice Secretary na siyang nagpa-convict kay Sanchez, hindi maaa­ring mabigyan ng good behavior si Sanchez kung ito ay nasangkot sa dalawang beses na pagpupuslit ng iligal na droga sa kulungan at pagdadala ng telebisyon at aircon sa kanyang selda.

“Ang balita ay involved siya sa drug trade sa Muntinlupa. Paano naman nagkaroon siya ng allowance for conduct of good behavior? Ang balita pa natin ay mayroon siyang aircon sa kanyang kulungan. Paano naman naging good conduct ito,” katuwiran ni Drilon.

Pinalagan din nina Senador Risa Hontiveros, Panfilo ‘Ping’ Lacson at Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin. Napag-alaman na hindi pa nagbabayad si Sanchez sa pamilya ng biktima bilang bahagi ng indemnification at hindi pa umaamin sa kanyang ginawang kasalanan.

Sanchez malabo pang lumaya Sinabi naman ni Faeldon na malayo pang lumaya si Sanchez, taliwas sa mga naunang napaulat.

“Maaaring hindi mag-qualify si Sanchez na makalaya sa susunod na mga buwan dahil may pagkakataon na hindi maganda ang pag-uugali nito sa loob ng kulungan at may mga iba pa siyang kinakaharap na kaso,” ani Faeldon.

“Malabo siyang makalaya dahil may bad record ito sa loob ng bilibid,” dagdag pa niya.

Nilinaw naman ng Malacañang na walang kinalaman ang admi­nistrasyon sa napipintong paglaya ni Sanchez dahil ang batas na pinasa noong 2013 ang nagtatakda nito. (Armida Rico/Allan Bergonia/Lorraine Gamo/Aileen Tali­ping/Dindo Mati­ning)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy