Una sa Balita

Sanaying magbasa ang mga estudyante sa bahay sa gitna ng lockdown

0 458

Ngayon at nasa bahay ang mga estudyante, gamitin na nila ang pagkakataon para mag-aral at masanay sa pagbabasa.

Lingid kasi sa kaalam ng iba, marami pa ring mga estudyante na kahit pumapasok sa eskwela ay hindi pa rin bihasa sa pagbabasa.

Tulad na lang ng mga mag-aaral sa Bicol Region. Lumabas nitong nakaraang mga linggo ang resulta ng Philippine Informal Reading Inventory 2019 (Phil-IRI) kung saan 20,857 na mga mag-aaral sa Grade 4 hanggang Grade 6 ang nahihirapang bumasa sa paksang English. Habang 18,143 mga mag-aaral naman mula Grade 3 hanggang Grade 6 ang nahihirapang magbasa sa Filipino.

May mungkahi noon na ilabas ang resulta sa iba pang mga lugar at rehiyon para masuri talaga at gawin itong basehan ng kasalukuyang lagay ng mga estudyante sa buong bansa pagdating sa pagbabasa. Pwede rin sanang magamit ang nakalap na datos bilang gabay ng gobyerno sa paggawa ng mga polisiya. Pero ayon kay Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepomuceno Malaluan, hindi madaling ilabas ang naturang reading assessment dahil hindi ito standardized, ‘di tulad ng National Achievement Test (NAT).

Sa mga ipinakitang datos ng PHIL-IRI, malinaw kung bakit mahalaga ang pagreporma sa ating sistema ng edukasyon upang matiyak na walang batang maiiwan. Kailangang tutukan nang husto ang resultang ito para matukoy natin ang mga susunod na hakbangin para matulungan ang mga nahihirapang kabataang mag-aaral.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, lubos po nating hinihimok ang DepEd na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) upang palakasin ang mga programa sa pagbabasa.

Isang halimbawa ng programa na inilunsad noong 2014 noong tayo ay alkalde ng Lungsod ng Valenzuela ay ang “Summer Reading Camp.” Ito ay isang buwang remedial class na isinasagawa sa loob ng apat na oras kada araw at layon nitong hasain ang kakayahan ng mga mag-aaral na bumasa at intindihin kung ano ang binabasa. Imposible man itong mangyari sa ngayon dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine, ang mga magulang na mismo o iba pang mga nakatatanda sa bahay ang magturo ng pagbabasa sa mga estudyante. Sa mga may internet naman sa bahay, pwedeng gabayan ng mga magulang ang panonood ng online tutorials ang mga bata.

Ating tandaan na ang kasanayan sa pagbabasa ay isang malaking susi sa pagkatuto, karunungan at disiplina ng mga kabataang mag-aaral. Kaya naman, mahalaga na mamuhunan na tayo sa mga batang ito habang maaga pa dahil kapag sila ay nahasa sa pagbabasa, tiyak na malayo ang kanilang mararating.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More