Una sa Balita

Sana maayos ang gusot

0 676

Nag-trending kamakailan sa social media ang isang babaeng pasahero ng eroplano na nagsuot ng patong-patong na damit matapos na mag-excess ang kanyang bagahe.

Ginawang katatawanan ng netizen ang eksena pero sa likod ng katatawanang ito ay may iniwan itong aral sa ating mga nagiging pasahero sa eroplano.

Unang-una paghandaan natin ang ating pagbiyahe at siguraduhing nasa tama ang lahat, kabilang ang timbang ng ating bagahe, lalo na’t hindi naman lahat ng panahon ay may extra tayong pera na pambayad ng sobrang kilo ng ating dala.

Tiyakin ding ide­deklara ang lahat ng dala lalo na ang mga bulto-bulto para walang aberyang idulot sa atin.

Ganun lang kasimple mga ka-Abante para walang hindi nakakahiyang eksena tayong nalilikha sa ating biyahe.

***

Tinayuan ng Natio­nal Press Club (NPC) ang kapakanan ng mga mamamahayag na sinampahan kamakailan ng kasong libel ni Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) board director, Sandra Cam.

Sa inilabas na statement ng NPC sa pamamagitan ni Rolly ‘Lakay’ Gonzalo, pangulo ng samahan, nakagugulat aniya ang naging hakbang ni Cam na nagsampa ng kasong libel noong Lunes, Oktubre 14, sa Manila Prosecutor’s Office laban sa ilang kapatid natin sa pamamahayag.

Nilinaw ng NPC na ang pamilya ng pinaslang na si Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson ang direktang nag-akusa kay Cam na nasa likod ng pamamaslang sa ginawa nilang ‘press confe­rence’ sa Maynila noong Oktubre 10, isang araw matapos ang insidente.

Saludo tayo sa hakbang na ito ng NPC. Salamat at nariyan kayo sa panahon ng kagipitan ng mga na­dedehadong mga mamamahayag.

Nag-ugat ang kaso ni Cam matapos na tambangan sa Sampaloc, Maynila si Yuson ng ilang armadong suspek kung saan sugatan din ang dalawa nitong kasama.

Bagaman nahuli ng Manila Police District ang mga suspek, pinakawalaan naman ang mga ito ng piskalya ng Maynila.

Sana nga ay maayos na ang gusot na ito lalo na’t nariyan lang naman ang media para iulat ang kanilang nakakalap na balita.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More