Una sa Balita

San Miguel wawasakin ang cartel!

Bigas papakyawin

By
0 1,366

NAKATANGGAP ng suporta sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang nais gawin ni San Miguel Corporation (SMC) vice chairman, president at chief ope­rating officer Ramon S. Ang para makatulong sa problema sa pagkain ng bansa at wasakin ang rice cartel.

Batay sa plano ni Ang, kapag inalis ng gobyerno ang taripa sa pag-aangkat ng bigas ay mag-aangkat ng maramihan ang SMC gamit ang kanilang mga bulk carrier at network ng grain ports sa buong bansa.

Sisiguraduhin din nila na magiging maa­yos ang imbakan ng mga bigas para ligtas ito sa bukbok at masamang amoy at ibibenta sa murang halaga lamang na abot-kaya ng mamamayan upang mawasak ang rice cartel at mapababa ang halaga ng bigas sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ni Senador Sonny Anga­ra na dapat lamang na bigyang pagkakataon ang pribadong sektor na mag-angkat ng bigas dahil malinaw na may kakulangan ang Natio­nal Food Authority (NFA) na maghatid ng murang bigas sa merkado.

“The private sector should be given the chance to import rice given the inability of the current system to provide affordable rice to our countrymen. Filipino households pay the most at present for its rice. This despite the power given to nfa to import and to sell cheaply to the market,” pahayag ni Angara nang hingan ng reaksiyon ng Abante kahapon.

Sinang-ayunan ng senador ang balak ng SMC dahil kakaunti lamang aniya ang mga kompanyang pinapayagang mag-angkat ng bigas at ang iba pang trader at importer ay nagsasamantala sa p­resyo ng bigas.
“Mas mabuti ito kaysa iilan lang ang pinapayagan mag-angkat at minamanipula pa ang presyo ng bigas,” sabi ni Angara.

Sinuportahan din ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang nais gawin ng SMC kung makatutulong anya ito para malunasan ang lumalalang kakulangan sa supply ng bigas sa bansa.

Kanya umanong susuportahan ang ganitong hakbang ng naturang kompanya kung mangangahulugan din ito para mawala sa negosyo ang rice cartel.

“If it will put the rice cartel people out of business, then I will support ito,” pahayag ni Sotto sa Abante.