Una sa Balita

San Maximiliano Kolbe, ulirang alagad ni Maria!

0 253

Tuwing bisperas ng Pista ng Pag-akyat Sa Langit ng Mahal na Birhen (Agosto 15) ginugunita ng Igles­ya ang alaala ng isa sa mga natata­nging alagad ni Maria, San Maximi­liano Maria Kolbe. Si Padre Kolbe ay isang Polakong prayle ng Simbahang Katolika na piniling kunin ang lugar ng isang hindi kilala sa loob ng kampong pangkonsentrasyon ng mga Nazi sa Auschwitz-Bikenau noong 1941.

Ipinanganak si San Maximiliano noong Ene­ro 8, 1894. Sa Zduńka Wola, Russia (dating parte ng Poland). Buong buhay niya ay umikot sa Mahal na Birhen mula nang ipinagkaloob ng Diyos ang bisyon ng Reyna ng Langit noong siya ay bata pa. Sa nasabing pangitain, pinapili umano siya ng Birhen sa dalawang korona – isang puti na sagisag ng kalinisan at isang pula na simbolo ng pagkamatir.

Sa kanyang pagbabahagi ng nasabing malikmata sa kanyang ina, pareho raw niyang pinili ang mga alok ng Birhen. Mula noon napansin ng ina ang pagbabago sa gawi ng batang Kolbe: na­ging mas madasalin ito at kadalasan ay nahuhuling umiiyak sa harap ng maliit na altar sa kanyang silid. Totoong nag-iwan ng marka sa bata ang engkuwentro hanggang sa nagdesisyon itong ma­ging Pransikano.

Bilang estudayante sa Roma, itinatag ni Fray Maximiliano ang ‘Militia Immaculata’ isang samahan na may layong itaguyod ang pamimintuho at paglilingkod sa Mahal na Birhen para sa kabutihang espiritwal at pagbabalik-loob ng mga kaluluwa sa Diyos. Pagbalik sa Poland, naglunsad ang batang pari ng isang buwanang magazine na tinawag niyang ‘Knights of the Immaculata’.

Related Posts

Noong 1929, itinatag ni Padre Kolbe ang ‘Ciudad dela Immaculada’ sa Franciscan convent sa Niepokalanów, 40 kilometro ang layo mula Varsovia. ‘Di kalaunan naging isang volunteer na misyonero siya sa Japan kung saan itinayo niya ang isa pang ‘siyudad’ ni Maria na tinaguriang ‘Mugenzai No Sono’. Doon inilathala niya ang Japanese version ng kanyang magazine.

Nang sumiklab ang World War II, napilitan si Father Kolbe bumalik sa Poland ngunit nadakip at na-detain sa Aushwitz concentration camp. Sa loob ng kulungan nagsilbing lakas siya sa mga kapwa preso na paulit-ulit niyang pinaalalahan, “hatred is not a creative force. Only love can create!” Inialay niya ang sarili sa puwesto ng isang pamilyadong preso na nahuling tumatakas.

Ikinulong sa bartolina si Padre Maximiliano kasama ang siyam pang nagtangkang pumuslit sa kampo. Nanatili ang grupo sa ‘starvation bunker’ sa loob ng dalawang linggo nang walang pagkatin ni tubig. TIniis niya ang lahat, hinimok ang mga kasama sa panalangin at pinagsilbihan ang tanan hanggang sa isa-isang bumigay at pumanaw. Nang siya nalang ang naiwan, tinurukan siya ng lethal injection noong Agosto 14 bisperas ng ‘Assumpton of Mary.’

Taong 1971 nang ideklara siyang Beato ni Pope St. Paul VI at noong Octubre 1982, matapos taguriang “Martyr of Charity” ng Simbahan, iprinoklama siyang ganap na Santo ni Pope St. John Paul II na kapwa Polako. Noong Hulyo 19, 2016 binisita ni Pope Francis ang “celda del hambre” ni San Maximiliano Kolbe sa Auschwitz death camp sa okasyon ng kanyang Apostolic Visit at World Youth Day sa Poland.
Saint Maximillian Kolbe, huwarang alagad ni Maria, Ipanalangin mo kami!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy