Una sa Balita

San Jose, dakilang kaibigan sa buhay espiritwal

By ,
0 395

Kahapon, ipinagdiwang ng Simbahan ang Pista ni San Jose, kabiyak ng Mahal na Birheng Maria (Marso 19).

Sa tradisyon, kinikilala ang ‘Tagapagtaguyod ng Banal na Pamilya’ bilang pangalawang tao, kasunod ng Mahal na Ina, na pinakamalapit sa puso ng Panginoong Hesukristo.

Marubdob ang debos­yon ng napakaraming Katoliko kabilang ang ilang tanyag na santo at banal na manunulat sa ‘ama-amahan, taga­pag-alaga at tagapagturo ni Hesus’ dahil sa kanyang makapangyarihang pamamagitan, pangangalaga at pagkakaloob ng kahilingan ng mga deboto.

Sobrang malapit sa ating puso si San Jose sapagkat sa bisperas ng kanyang kapistahan tinanggap natin ang biyaya ng pagpapari taong 2000. Patuloy ang ating panghihikayat sa iba na magdasal, humi­ngi ng tulong at sumailalim sa maka-amang pagkalinga ng ‘Patron ng Simbahan sa Buong Daigdig’ (Pope Pius IX, 1870).

Sa ating eksperyensya, totoong walang sinumang humihingi ng tulong ng tapat at masunuring lingkod ng Diyos ang nabigo kailanman. Ang kanyang pangangalaga mariing giit ng Simbahan ay nanatiling ‘lubhang dakila, malakas at mabilis sa harap ng luklukan ng Diyos’.

Related Posts

Sa Bibliya walang nabanggit na anumang salitang binigkas o nasambit si San Jose, gayunman ang kanyang ‘katahimikan’ ay itinuturing ng Iglesya na higit pa sa mara­ming salita. Talad ni Maria, napakaraming biyaya ang naipagkaloob dahil sa pagtugon ng simpleng lalaking ito mula sa lahi ni David.

Dahil sa kanyang payak na pamumuhay, kasipagan, kababaang-loob, katapatan at malalim na pagtitiwala sa Diyos, nananatiling nagniningning na huwaran si San Jose para sa lahat ng Kristiyano at mananampalataya higit sa lahat ng mga ama ng tahanan at pamilya.

Maraming bansa ang humirang kay San Jose bilang tagapagtanggol at idolo. Ang mga ta­nging kahilingan na kadalasang iminumungkahi sa kanya ay mula sa mga nagdududa o nag-aalinlangan, mga namimili ng ari-arian, mga nagsisimula ng bagong buhay o gawain at mga manlalakbay.

Finally, tanyag din ang esposo ni Maria at ligal na ama ni Hesukristo bilang Patron ng mga kaluluwang pumapanaw. Sa sikat na nobena para kay San Jose nakasaad: “O San Jose, hindi ako magsasawang pagnilayan ka at si Hesus na nahihimlay sa iyong mga bisig. Yakapin at halikan mo Siya para sa akin at hilingin mong ibalik ang halik na ito sa sandali ng aking huling hininga.”

San Jose, dakilang kaibigan at gabay sa buhay espiritwal, ipa­nalangin Mo kami!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy