Una sa Balita

San Antonio de Padua, Guinness ‘Wonder Worker’!

By
0 585

Kapistahan ngayon ni San Antonio de Padua—isa sa pinakasikat na ‘taumaturgo’ ng Iglesia Katolika.

‘Taumaturgo’ ang tawag sa taong pinagkalooban ng Diyos ng kakayahang makagawa ng mga kahanga-ha­ngang bagay, at isa nga si San Antonio na tumaggap ng nasabing handog upang makapamalas ng mga kagila-gilalas na milagro. Bukod sa Mahal na Birhen at kay San Jose, si San Antonio ang naitalang may pinakamaraming himala kahit noong nabubuhay pa.

Sino nga ba itong Antonio de Padua na kinikilalang ‘Wonder Worker’ ng Guinness Book of World Records? Mula kasi pagkabata, nakarinig na tayo ng napakaraming kuwento tungkol sa kanyang kapangyarihan at mga milagro. Sa katunayan, isa siya sa mga santong may pinakamaraming deboto. Si San Antonio na yata ang pinakasikat na Pransiskano sa buong mundo. Narito ang maik­ling istorya ng buhay ng tanyag na taumaturgo.

Ipinanganak si San Antonio (Ferdinando de Bulhes) sa isang mayaman na pamilya sa Lisbon, Portugal noong 1195. Sa edad na 15, pumasok siya sa seminaryo at matapos ang masinsinang pagsusunog ng kilay, naordenahan bilang paring Agustino sa Coimbra kung saan nagpakadalubhasa siya sa Teolohiya.

‘Di kalaunan, nabighani itong lumipat sa mga Pransiskano sa kagustuhang ialay ang kanyang buhay bilang misyunero sa layuning mamatay bilang isang ‘martir’ ng Iglesia. Nang makapagpalit ng Kongregasyon, ipinadala siya sa Morocco ngunit nagkasakit ng malaria sa biyahe kaya pinayuhang muling bumalik sa Portugal.

Dahil sa bagyo at matitin­ding alon, napilitang dumaong ang sinasakyang barko sa Messina, Sicily kung saan inampon at ina­laagan siya hanggang sa gumaling ng mga kapwa monghe.

Sa okasyon ng pangkalahatang pagpupulong ng mga Pransiskano sa Assisi noong 1221 nasaksihan ang kanyang galing sa pangangaral ng mismong Tagapagtatag ng grupo na si San Francisco. Doon nagsimula ang malalim na pagkakaibigan ng dalawa.

Related Posts

Bilang paboritong disipulo, hiniling ni San Francisco ang kanyang tulong upang magpahayag rin sa hilagang Italya lalo na sa Padua at ilang parte ng Pransiya nang maipanumbalik sa pananampalataya ang mga nakumbinsi ng ‘Albegensian Heresy’ o paniniwalang masama ang lahat ng bagay sa mundo pati na rin ang katawan ng tao.

Sa Padova, Italy lubos na sumikat si Antonio bilang propesor dahil sa kanyang galing sa pagsasalita, pangangaral, kabanalan at mga milagro.

Tungo sa wakas ng kanyang buhay, nanatili siya sa Padua at nagturo sa unibersidad kung kailan nahirang ito bilang ‘Provincial General’ ng mga Pransiskano sa Hilagang Italya. Buong tapat niyang isinagawa ang kanyang mga tungkulin at trabaho hanggang nagkasakit at mamatay sa ‘dropsy’ o edema noong Hunyo 13, 1231 sa batang edad na 36.

Lubos ang pagdadalamhati ng tanan sa pagpanaw ng iginagalang at hinaha­ngaang pari at ‘di pa nakalilipas ang isang taon, iprinoklama agad itong ‘Santo’ ni Pope Gre­gory IX — pruweba anila na kahit ang pamumunuan ng Simbahan ay totoong namangha sa kanyang kabanalan.

Noong 1546 muling hinukay ang kanyang mga labi at kahit naagnas na ang katawan, ang kanyang dila ay nanatili umanong sariwa at mapula – katunayan ayon sa Iglesia ng kapangyarihan at kalinisan ng mga salita ng lubos na minamahal na santo! Noong 1946, pinarangalan si San Antonio bilang ‘Doctor of the Church’ ni Pope Pius XII dahil sa kontribusyon ng dakilang Pransiskano sa Teolohiya. Sa kasalukuyan, si San Antonio de Padua ang itinuturing ng Simbahang Katolika bilang ‘Patron ng mga Naaapi’ at ‘Lubos na Makapangyarihan sa mga Nawawalang Bagay’.

Ngayong kapistahan ng santo, dumulog tayo at humingi ng tulong sa pinagpalang pintakasi: San Antonio, lubos na mapagpakumbaba at masunurin. Pinahintulot ng Panginoong mamalas ang Kanyang kapangyarihan sa Iyong buhay. Nag-intay lamang mangyari ang mara­ming milagro sa hudyat ng Iyong salita.

Walang hanggan ang Iyong awa sa mga nanga­gailangan at nawawala. Hinihiling ko na ako’y dinggin sa aking pana­lagin (banggitin ang kahilingan) na maaa­ring nangangailangan ng milagro upang matupad.

Ibulong mo sa Sanggol na Mununubos sa Iyong mga kamay na ipagkaloob ang aking kahilingan — lubos na umaasa sa iyong tulong at pamamagitan. Amen.