Una sa Balita

Saludo sa 10 awardees ng 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos!

0 315

Noong nakaraang linggo, nagkaroon tayo ng isang pribilehiyo na pormal na parangalan sa Senado ang 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos—sila ang ating mga magigiting na guro, sundalo at pulis.

Napakalaking karangalan para sa akin ang maging chairperson ng final board of judges at mabigyan ng oportunidad na personal na makilala ang ilan sa napakarami nating magagaling na propesyunal sa bansa na nagpakita ng tunay na kahandaan sa tawag ng serbisyo, nagpamalas ng galing at talino, dedikasyon, integridad at pagmamahal sa trabaho at higit sa lahat ay sakripisyo para sa kanyang bayan.

Nais kong ipaabot ang taus-pusong pasasalamat sa Metrobank Foundation, Inc. dahil sa kanilang dakilang inisyatiba sa pagkilala sa mga natatanging Pilipino. Ikinagagalak kong ipakilala sa inyo ang apat na guro, tatlong sundalo at tatlong pulis na pinarangalan kamakailan bilang 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos.

Sa serbisyo ng kasundaluhan, kabilang dito sina Master Sergeant Ramil A. Caporas PA; Major Romulo G. Dimayuga II PN (M); at Lieutenant Colonel John Paul D. Baldomar PA.

Sa serbisyo naman ng kapulisan ay sina Police Chief Master Sergeant Marsha T. Agustin RSW; Police Major Robert A. Reyes; at Police Colonel Edwin A. Quilates.

Habang sa lara­ngan ng edukasyon ay sina Teacher Dorothy S. Tarol, PhD; Teacher Cristina B. Cristobal, PhD; Professor Ricardo T. Jose, PhD; at Professor Eva Maria C. Cutiongco-de la Paz, MD.

Kamakailan ay nagsumite po ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 88 o ‘Resolution Honoring and Commending the Metrobank Foundation Outstanding Filipinos of 2019’ upang sila ay kilalanin at maparangalan para sa kanilang hindi matinag na pagmamalasakit, dedikasyon, integridad at matapat na paglilingkod sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa kabila ng mga nakakadismayang pangyayari sa ating lipunan ngayon, sila ang dahilan kung bakit naniniwala pa tayo na mas matimbang pa rin ang kabutihan kaysa masama. Sa maiksi ngunit makabuluhang panahon na sila’y aking nakilala, nakasisiguro akong mas marami pa ang katulad nila sa ating bansa.

Kaya naman, umaasa tayo na magpapatuloy ang kabutihang ito sa susunod na henerasyon. Hindi magtatagal, sila na ang susunod na magtuturo sa mga klasrum, gagawa ng inobasyon, huhuli sa mga kawatan at ang magpoprotekta sa karapatan ng ating bansa.

Sa ating kabataang Pilipino, huwag lamang magsilbing inspirasyon sa iba, kundi, maging isang representante ng mabuting pagbabago sa ating gobyerno.Tulad na lamang ng ating 10 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos, sana ay higit pa sa hanapbuhay ang inyong magiging propesyon.

Dahil dito, tiyak na posible ang kaunlaran sa bansa, at higit sa lahat, ang impluwen­syang maibibigay ninyo sa inyong kapwa, na magkaroon ng parehong prinsipyo tulad ng mayroon kayo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy