Una sa Balita

Saludo ako sa Batang Pinoy

0 270

Isa sa pinakamabisang paraan para mailayo ang mga kabataan sa masamang bisyo ay ang itutok ang atensyon ng mga ito sa palaro o sports.

Kaya naman, bilang topic natin ngayong Linggo, naisip kong gawing bida ang mga kabataang Pinoy.

Talagang saludo ako sa mga grassroots program ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William Ramirez dahil solid talaga ang mga proyekto ng PSC pagdating sa mga kabataan.

Gaya ng laging sinasabi ni Chairman Ramirez, sumusunod lang ang PSC sa mandato ni Presidente Rodrigo Duterte na ilapit ang lahat ng mga kabataan sa sports kahit na sa pinakamalayong lugar o isla pa ‘yan sa bansa.

Ang Batang Pinoy ang isa sa pinakamatagumpay na grassroots program ng PSC. Sa katunayan, kasado na ang Batang Pinoy National Finals sa Puerto Princesa, Palawan na opisyal na magbubukas sa susunod na linggo.

Inaasahang nasa 10,000 atleta edad 15-pababa mula Luzon, Visayas at Mindanao ang lalahok sa week-long sportsfest mula August 25 hanggang August 31.

Nakaka-good vibes lang talaga yung mga ganitong programa ng PSC lalo na kapag nalaman n’yo YANGsters ‘yung kuwento ng mga kabataang sumasali rito.

Ilan sa mga naranasan ko noon bilang isang reporter, ay hindi ko maiwasang hindi madala sa emosyon ng mga gold medalist o kahit ‘yung mga non-winners.

Ang totoo kasi niyan, mababaw kasi talaga yung luha ko, kaya madalas ay nakiki-iyak din ako. OA ba? Hahaha.

Ilan lang sa mga kuwentong natatandaan ko ay…
Mayroon sa mga atleta ay pinasok ang sports para maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.

‘Yung ibang kuwento naman, ay para naman sila ay makapag-aral ng libre sa eskuwelahan.

Mayroon ding mga broken family na gustong gawing daan ang Batang Pinoy para Makita si ‘Nanay o Tatay’ para muling mabuo ang kanilang pamilya.

Haaay. Nakakadurog talaga ng puso ‘yung mga ganitong stories.

Inspiring talaga kasi kahit na nasa murang edad pa lamang itong mga atletang ito ay punong-puno na sila ng determinasyon para tuparin ang kanilang mga pangarap.

Sa muling pagbubukas ng Batang Pinoy, excited ako. Hindi sa lugar o kung saan pa man. Kundi excited akong muling marinig ang mga ganitong kuwento ng sakripisyo, pagsisikap at paglaban para abutin nitong mga kabataang Pinoy ang kanilang minimithing tagumpay.

Sa mga may suhestiyon sa mga future topic natin, maaari n’yo akong i-email sa mallare.arianne@gmail.com o i-follow ako sa twitter at @ariannemallare. Maaari n’yo rin pong sundan ang ating official page at @AbanteNews para sa mga trending stories online.

Hanggang sa susunod nating isyu, YANGsters!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy