Una sa Balita

Salpukan ng kotse at tricycle: 5 todas, 7 sugatan

By
0 405

LIMA ang patay habang pito pa ang nasu­gatan sa salpukan ng tricycle at kotse sa natio­nal road, Barangay Laiya Aplaya, San Juan, Batangas­ kahapon nang mada­ling-araw.

Apat sa mga namatay ay pasahero ng tricycle habang nasawi rin ang nagmamaneho ng kotse na si Kelly Villa­nueva, 23-an­yos, miyembro ng Philippine Navy.

Kinilala ng San Juan police ang apat na sina John Eric Gamil y Cantos, 17-anyos; Kim Zaigan Gamil y Fraina 7; Borito Santos y Millena, 44 at Reynold ‘Pipoy’ Gamil, 20-anyos, na isang SK kagawad, na sunod-sunod na nasawi sa ospital.

Samantalang kritikal at inilipat na sa Batangas Medical Center ang lima pang sakay ng tricycle kabilang ang driver nito habang dalawa mula sa kotse ang nasa malubhang kalaga­yan sa isa pang ospital sa Batangas City.

Ayon Kay PO1 Ri­chard King Valenzuela, imbestigador sa kaso, dakong alas-tres nang madaling-araw nang masalpok ng kotseng Honda Civic ang kasalubong na tricycle.

Galing sa debut party at pauwi na ang siyam na magkakaanak na sakay ng tricycle nang mahagip ito ng kotse nasa 20 metro pa lamang ang layo sa pinaggalingan.

Mga pawang kabataan naman na magka­kabarkada umano ang anim na sakay ng kotse.