Una sa Balita

Salpukan ng jeep, van: 2 Phil Navy, 10 pa sugatan

0 213

SUGATAN ang 12 katao kabilang ang dalawang tauhan ng Philippine Navy makaraang­ magbanggaan ang isang pampa­saherong jeepnry at Phil. Navy van sa Barangay Poblacion Makati City noong Biyernes ng gabi.

Patuloy naman nilalapatan ng lunas sa Manila Naval Hospital ang mga biktima na sina Charles Joseph Villaruel, 22, binata, miyembro ng Philippine Navy at residente sa Block 3 Lot 20 San Pablo Centerland, Nagpayong, Pinagbuhatan, Pasig City at Apprentice Vemicer, na kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang sinugod naman sa Manila Naval Hospital ang 10 pasahero ng jeepney na nakilalang sina Jayson Gotorab, 24, Cristine Barias, 23, Stefanie Velarde, 27, Donna Ventura, 28, Quinee Cordona, 27, Antonette Ceerala, 21, Ernie Eusebio, Aloy Valenzuela, kapwa nasa hustong gulang, Emy Rose Rezaldo, 19, at si Aldrich Dacer, 38, na pawang mga nagtamo ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, isinuko naman ng operator ng jeep ang driver nito na si Renato delos Santos alyas Rene, nasa hustong gulang na siyang nagmamaneho ng jeep na may plakang PKR 415.

Base sa isinumiteng report ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-otso ng gabi nang maganap ang banggaan sa Don Chino Roces Avenue harapan ng La Fuerza Building, Brgy. Bangkal ng nasabing lungsod. Lumalabas sa imbestigasyon, minamaneho ni Villaruel ang L300 Phil Navy van na may plakang SLB 338 habang sakay nito si Vemicer, galing ng A. Arnaiz Avenue patungong EDSA at ang pampasaherong jeep na minamaneho ni Delos Santos sa kabilang lane nang magkasalpukan sa kahaaban ng Don Chino Roces Ave­nue.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga nasugatan ang dalawang tauhan ng PN at ng 10 pasahero ng jeep.

Mabilis namang rumespon­de ang mga awtoridad at Makati Rescue Team at mabilis na naisugod ang mga sugatang biktima sa nasabing pagamutan upang lapatan ng lunas.

Base sa pahayag ni Delos Santos sa pulisya, may iniwasan siyang taxi kaya naikabig nito ang manibela ng kanyang minamanehong jeep hanggang sa sumalpok sa nakasalubong na van na minamaneho ng mga tauhan ng navy. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More