Una sa Balita

Salpukan ng bus at truck sa highway: 24 nadale

0 259

Isang truck driver ang nasawi habang sugatan ang 23 na katao matapos salpukin ng bus ang kasalubong na truck at dalawa pang sasakyan bago bumangga sa isang bahay sa Maharlika Highway sa Atimonan, Quezon Biyernes nang hapon.

Batay sa report ng Atimonan Police, nangyari ang insidente alas-4:40 nang hapon nang mag-overtake ang bus na pagmamay-ari ng Elavil Tours Philippine Inc. sa sinusundang tricycle sa pababa at kurbadang bahagi ng highway sakop ng Barangay Angeles.

Subalit bumulaga ang kasalubong na trailer truck at sumalpok dito ang bus na nagpumilit pa na bumalik sa kanyang linya.

Nasabitan din ng bus ang nilagpasang tricycle bago sumalpok sa nakaparadang motorsiklo at sa bahay na nasa gilid ng highway.

Sa lakas nang banggaan, agad nasawi ang 58-anyos na driver ng trailer truck na si Ireneo Abayon, tubong Davao City samantala, kabilang sa nasugatan ang dalawang sakay pa nito na sina Ralph Justine Fernandez, 28, at Jeric Fernandez, 22, parehong taga-Batangas City.

Sugatan din ang apat na sakay ng tricycle at pati ang may-ari ng sinalpok na bahay samantalang 15 namang pasahero ng bus ang nagtamo rin ng mga minor injury.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang driver ng bus na si Aldin Madera, 35, habang isinugod sa Doña Martha Memorial District Hospital at Nuestra Senora Delos Angeles General Hospital sa bayan ng Atimonan ang mga nasugatan para magbigyan ng atensyong medikal. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy