Una sa Balita

‘Salome’ lumakas pa

By ,
0 31

Nasa 20 lugar sa Luzon at Visayas kabilang ang Metro Manila ang nasa signal number 1 dulot ng bagyong Salome na patuloy umano ang paglakas kung saan ibinabala ang posibleng landslide at pagbaha.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administation (PAGASA) Administrator Vicente Malano na malakas na ulan ang hatid ng bagyong Salome kaya naman pinag-iingat at pinaghahanda nito ang publiko.

Sa pinakahuling PAGASA weather bulletin nasa ilalim ng Tropical cyclone warning signal number 1 ang Metro Manila, Rizal, Bataan, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate kasama ang Ticao at Burias Islands, Romblon, Marinduque, Quezon, Laguna, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Northern Samar, Eastern Samar, Samar at Leyte kabilang ang Biliran.

Biyahe ng barko kanselado

Sinuspende na ng Philippine Coast Guard ang lahat ng biyahe ng barko sa Southern Tagalog dahil sa Bagyong Salome kahapon.

Ayon kay Capt. Raul Belesario, Acting Deputy­ Commander, PCG Southern Tagalog District, sa Dalahican port sa Lucena City ay itinigil na ang biyahe patungo sa Marinduque province at ang Atimonan to Alabat Island.

Sa Batangas, suspendido na rin ang biyahe patu­ngong Mindoro at Romblon at iba pang isla.

Maging ang maliliit na sasakyang pandagat ay pinagbawalan na rin ng PCG na pumalaot. Sa nga­yon ay meron na ring mga stranded na pasahero sa mga naturang pantalan.

58 pasahero ang stranded sa Lucena port na patungong Marinduque at anim na rolling cargoes.

Dalawang barko naman ang pinigil sa Balanacan port sa Marinduque at pinabalik na ang mga pasahero at tatlong rolling cargoes.

Sa Atimonan port, pitong bangka ang di na pinabiyahe at siyam na rolling cargoes ang stranded ngayon.