Una sa Balita

Salceda: May parusa ang pag-alis sa Free Tuition

0 518

Seryoso ang babala­ ni Albay Rep. Joey Salceda laban sa pagtanggal sa ‘scholarship’ ng mga aktibis­tang mag-aaral sa ilalim ng Universal Access to Quali­ty and Tertiary Education Act (UAQTEA) o Free Tuition Law (RA 10931).

Diin nito, iligal at may katapat na parusang pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang isang taon at mul­tang P20,000 hanggang P100,000 ang paglabag sa nasabing batas.

Si Salceda ang orihinal na may-akda ng batas sa Kamara at ipinaalala nito na dala­wang kondisyon lamang ang nakasaad sa Section 6 ng batas para tanggalin ang scholarship: 1) kabiguang makumpleto ang kurso sa loob ng isang taon pagkatapos ng kaukulang taning sa kursong pang-kolehiyo, at pagbagsak sa anumang aralin o ‘subject’ sa kursong ‘technical-vocational’ sa loob ng taning na programa nito; at 2) hindi pagtupad sa ‘retention policies’ ng paaralan.

Nakiisa ang mambababatas sa mala­wakang pagkontra sa panukala ni National­ Youth Commission (NYC) chairman Ro­nald Cardema na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng lumalahok sa protesta laban sa pamahalaan, habang ipinupunto na mismong si Pa­ngulong Duterte ay hindi sang-ayon sa isinusulong ng NYC head.

Malinaw na malinaw umano na walang ibang probisyon ang batas na maaaring gawing dahilan para bawiin ang scholarship, dagdag ni Salceda.

Giit nito, ginagarantiyahan ng UAQTEA ang libreng pag-aaral sa kolehiyo anuman ang hugis o kulay ng paninindigan ng mga kuwa­lipikadong Pilipinong mag-aaral.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More