Una sa Balita

Salamin

By
0 7

Kailangan ng salamin para ayusin ang sarili.

Sa salamin dumedepende ang mga tao kung ano ang kanilang itsura at kung alin pa ang kinakaila­ngang ayusin o baguhin.

Ganyan din ang papel ng mga kritiko.

Hindi dapat ituring ng administrasyong Duterte na kalaban ang kanilang mga kritiko kundi katuwang sa pagsasaayos ng ating bansa.

Ang mga kritiko ang tumatayong salamin upang makita ang mga kamalian at pagkukulang ng admi­nistrasyon.

Mahirap malaman kung may mali at dapat baguhin sa iyong sarili kung walang pupuna at magpaparating nito sa iyo; gayundin sa gobyerno.

Makikita ang mga mali at pagkukulang sa pamamahala sa tulong ng oposisyong nagbibigay ng mga constructive criticisms.

Subalit, ang kasalukuyang administrasyon ay tila ayaw na ayaw tumingin sa salamin.

Nakababahala ang mga binitiwang babala ni Presidential Spokesman Harry Roque sa mga kritiko ni Pangulong Duterte nakapagbumato sila ng bato, hindi lamang bato ang ibabalik kundi hollow block at adobe.

Para bang pananakot sa aming mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Wari’y sinasabi na: “tumigil na kayo sa mga puna at opinyon niyo sa administrasyon dahil mas mabigat ang ganting ibabalik namin sa inyo.”

Hindi magandang pangitain ito sa estado ng ating demokrasya na patuloy pa rin nating pinagtitibay matapos ang EDSA People Power Revolution.

Alalahanin sana ni Mr. Roque na sa isang demokratikong bansa, hindi dapat hinahadlangan ang mga kritiko at lalung-lalo nang hindi pinagbabantaan ang mga ito.

Mukhang dapat ipaalala natin kay Mr. Roque at sa iba pang mga tauhan ni Duterte na hindi tayo tulad ng China o North Korea na labis na nililimitahan ang kala­yaan ng taumbayan upang kastiguhin ang pamahalaan sa mga kamalian at pagkukulang nito.

Sa pagkakaalam ko at ng lahat ng mga Pilipino, nananatiling malayang demokrasya ang Pilipinas.

Hindi kailanman mapupugnaw ang kalayaan ng bawat isa, maging oposisyon o pangkaraniwang mamamayan man, na magpahayag ng kanilang mga hinaing laban sa kasalukuyang administrasyon.

Kailanman ay walang wastong dahilan para basagin ang salamin.

Ang trabaho ni Mr. Roque ay bigyang konteksto at angkop na paliwanag ang mga salitang binibitiwan ng kanyang amo. Hindi para gumanti sa mga bumabatikos sa administrasyon.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa: Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com

FB:/Rep.AlejanoMagdalo

Twitter: @AlejanoGary