Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Salamat sa Philippine Competition Commission

0 169

Sa wakas, nararamdaman na natin ang isang uri ng pag-iisip sa larangan ng kalakaran na matagal na dapat nating isinagawa. Ang tinutukoy ko ay ang pagkakaroon ng kumpetisyon at kalayaan ng mga konsumer na mamili kung ano ang kanilang nais tangkilikin. Totoo, matagal-tagal na ang ideyang ito. Totoo ring marami ng mga monopoliyang binuwag ang pamahalaan sa matagal nang panahon—marahil mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas–kagaya sa larangan ng telekomunikasyon at PAL sa larangan ng domestikong byaheng panghimpapawid, at marami pang iba.

Kamakailan, nasa balita muli ang usapin hinggil sa monopoliya. Sa pagkakataong ito, hindi mga dambuhalang kumpanya ang nasa pansin ng madla kung hindi ang isang kumpanya na may eksklusibong karapatan na mag-negosyo ng fixed-line internet sa isang subdibisyon sa Mandaluyong. At, kagaya ng inaasahang magiging isyu sa harap ng pagkakaroon ng iisang kumpanya lamang, ang naging reklamo ay ang masamang kalidad ng kanilang serbisyo.

Ganito ang naging karanasan natin sa telekomunikasyon at sa PAL, at sa lahat ng mga monopoliya sapagka’t ganito talaga ang natural na kauuwian ng kawalan ng kompetisyon. Isipin ninyo—at malamang ganito din ang naging takbo ng isip ng mga nagpapatakbo ng mga monopoliya—bakit kailangang pagbutihin ang serbisyo kung hindi naman mataas ang peligro na mawawalan ng mga customer?

Pero, ang tila lagging nakakalimutan ay may hangganan ang ganitong uri ng pagnenegosyo o pamamalakad. Darating at darating ang panahon na mapupuno rin ang mga tao at maghahanap ng solusyon.

Nakapagtataka rin. Swerte na nga ang mga kumpanyang ganito. Ipagpalagay na nating hindi talaga pinagbabawal ang kalaban, nakauna pa rin sila. At kung hindi lang nila pinabayaan ang kanilang serbisyo, marahil walang dahilan ang mga tao para maghanap ng iba o huminto ng pagtangkilik sa kanilang negosyo. Nguni’t malakas ang tawag ng kasakiman na nagsasabing higit na malaki ang kikitain kapag hindi gaanong ginastusan ang pagpapabuti ng serbisyo. Kasabihan nga natin, naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.

Marahil, hindi rin naisip ng mga may-ari o mga nagpapatakbo nitong kumpanyang ito na ang kanilang serbisyo ay naging isang pangangailangan na. Ang internet ay hindi na kagaya nuong mga nakalipas na ilang taon na maituturing na luho pa ito. Lalo na mula ng nakaraang taon at nagsimula ang pandemya at lockdown, ang internet ay biglang naging isang matinding pangangailan na. Para malaman ninyo ang halaga nito sa inyo, subukan ninyo ng isang araw na walang internet.

Ang sitwasyong ito ay hindi lamang sa nabanggit na lugar sa Mandaluyong. Marami ang ganito—maging mga subdibisyon o mga condominium. Marami ang gustong-gustong tumabo ng pera sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ekslusibong karapatan mag-negosyo ng isang pangangailangan, maging internet o iba pang serbisyo o produkto. Salamat sa Philippine Competition Commission sa pag-aksyon sa naging hinaing. Maari kayang PCC na mismo ang aktibong magpapatupad ng ganito at hindi na lamang maghihintay ng reklamo?

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.