Una sa Balita

Salamat sa mga tumulong

0 295

Gaya ninyo, labis din po ang aking kalungkutan at pagkaawa sa ating mga kababayan na libo-libong mga biktima sa pagputok ng Bulkang Taal sa Talisay at sa San Nicolas sa Batangas nitong Linggo, Enero 12.

Nakalulungkot na marami ang mga na­walan ng taha­nan sa Batangas, kasama ang kanilang mga pananim at mga alagang hayop gaya ng baboy, baka, kambing, manok, at iba pa.

May mga bumuka o nagkabitak-bitak na lupa na sumira sa mga kabahayan kahit pa kongkreto ang mga pagkakagawa dahil sa lakas din ng lindol mula sa bulkan.

Patuloy naman ang pagdating ng mga ayuda sa mga biktima. Kaya lang kinukulang pa rin.

Pero panalangin kong huwag nang mag-alburuto pa ang Taal Volcano. Nawa’y kumalma na para maibaba na, at tuluyang maalis ang Alert Level 4 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS. Para sa katahimikan, ka­ayusan at mabalik na ang normal na pamumuhay nang mga naapektuhan.

Isa ang larangan ng sports na nagmagandang-loob na sa mga apektado nating kababayan sa nasabing kalamidad.

Salamat sa may gi­nintuang pusong Philippine Basketball Association (PBA) sa pangunguna nina Chairman Victorico Vargas ng Talk ‘N Text at Commissioner Wilfrido Marcial nagkaloob nitong Biyernes sa probinsya ng P1M cash donation.

Gayundin ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na namahagi ng relief goods, ang Prage Management Corporation na mga nagla­lathala ng Abante at Abante TONITE sa donasyong pagkain at mga inumin.
Ang komunidad ng volleyball sa pangunguna ni star Alyssa Valdez, si dating collegiate basketball star at ngayo’y Gilas training pool member Ferdinand Ravena III na namigay ng mga damit, at iba pa.

Sana marami pang tumulong.

God bless us all!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More