Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Salamat PRRD

0 143

“A man who has never gone to school may steal a freight car; but if he has a university education, he may steal the whole railroad.”

~ Theodore Roosevelt

Ilang araw na lang ay mahuhubaran na ng kanyang hiram na kapangyarihan si Mayor Rodrigo Roa Duterte.

Anim na taon din siyang naluklok sa Palasyo ng Malakanyang at malaki ang naging epekto sa buhay ng mga pilipino ng kanyang istilo ng pamamahala.

Matapang. Brutal. Siga. Mayabang. Tuso. Bastos. Walang respeto sa karapatang pantao. Palabiro. Sobrang palabiro. Komedyante.

Ilan lang sa paglalarawan ng mga pilipino sa kanya pagdating sa usapin ng kampanya kontra droga.

Ganito rin ang kanyang karakter kapag sumasagot sa kritiko o katunggali sa politika. Tila sinasapian siya tuwing nasa harap ng camera.

Pero para sa mga malalapit niyang kaibigan, si Duterte ay simple lang, maginoo, mapagkumbaba at malambing.

Kunsintidor naman ang iniwang pagkatao niya sa isyu ng korapsyon matapos na hayagang ipagtanggol ang ilang malapit na kaibigan na nasasangkot sa katiwalian.

Noong nagdaang linggo, nagkaroon ng malawakang konsyerto sa Quirino Grandstand at tinawag na “Salamat PRRD”.

Ito ay inorganisa ng kanyang mga taga-suporta bilang pasasalamat sa naging paglilingkod ni Duterte bilang pangulo ng bansa sa nakalipas na anim na taon.

Pero marahil ito rin ang namutawi sa bibig ng kanyang malapit na kaibigan na si Michael Yang, ang dayuhang negosyante na nasangkot sa isa sa pinakamalaking korapsyon sa ilalim ng Duterte Administration sa gitna ng covid19 pandemic.

Eh bakit hindi naman magpapasalamat si Yang sa kanya, kumita ito ng daang milyong piso na ang naging puhunan lang ay laway.

Ang hindi kilalang kumpanya ni Yang, ang Pharmally Pharmaceuticals Corp., ay nakakuha ng 13 kontrata sa gobyerno na nagkakahalaga ng kabuuang P10.85 bilyon—lahat ay kinasasangkutan ng mga supply para sa pagtugon sa COVID—sa kabila ng pagkakaroon ng idineklarang paid-up capital na P625,000 lamang.

Itinanggi ni Yang na siya ay ‘guarantor’ at ‘financier’ ng nasabing kumpanya.

Ang isa pa sa magsasabing “Salamat PRRD” ay ang dating pinuno ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM). na si Lloyd Christopher Lao, na pumirma sa karamihan ng mga kontrata para sa PS-DBM.

Ayon sa report ng Commission on Audit (COA) si Lao ang responsable sa P42 bilyon para sa COVID supplies na inilipat ng DOH sa PS-DBM.

Napag-alaman din sa imbestigasyon ng Senado na sa anim na kumpanya, na nag-supply ng face mask sa DOH sa pamamagitan ng PS-DBM, ang Pharmally ang may pinakamataas na presyo ng unit sa P27.72 bawat isa.

Talagang “Salamat PRRD” dahil sa kabila ng mga ebidensiya at imbestigasyon, ipinagtanggol pa sila ng Pangulo at hanggang ngayon patuloy na nakakalaya.

At tiyak maliban kina Yang at Lao, karamihan sa mga naitalaga ni Duterte sa kanyang gobyerno, ay lalo pang mga yumaman.

Malaking hamon sa papasok na Marcos Administration na habulin pa rin ang mga ‘ill gotten wealth’ ng mga opisyales ng Duterte Administration kung seryoso siya sa magiging kampanya konyra katiwalian.

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.