Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Salamat PRRD, mabuhay Pangulong Marcos

0 125

Noong Huwebes, Hunyo 30, ay ganap nang bumaba sa puwesto ang mahal nating Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyang daan ang pag-upo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Mabuhay ang ika-16 at ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas!

Sa ngalan ng Ako Bicol Party-list at lahat ng Bicolano, nais ko pong batiin si Pangulong Marcos sa kanyang pormal na panunumpa bilang pangulo ng bansa. Kasabay po nito, lubos ang aking pasasalamat kay Pangulong Duterte sa mga nagawa niya para sa bayan. Sa Bicol Region lang po, napakarami ang naging proyekto ng kanyang administrasyon sa nakalipas na anim na taon. Lubos itong pinakikinabangan ngayon ng ating mga kababayan.

Kabilang dito ang 5.52-kilometrong Sorsogon City Coastal Bypass Road, 31-kilometrong Matnog-Sta. Magdalena-Bulusan Road, 40-kilometrong Cagraray Island Circumferential Road sa Albay, 15.87-kilometrong Albay-Sorsogon Connector, 3.1-kilometrong Legazpi City Coastal Road sa mga gustong matunghayan ang panoramic view ng Mount Mayon, 40-kilometrong Pasacao-Balatan Tourism Coastal Highway sa Camarines Sur, ang 4-lane 15.21-kilometrong Camarines Sur Expressway project, 30.56-kilometrong Esperanza-Placer Road, 24.50-kilometrong San Fernando-San Jacinto-Monreal Road sa Masbate, at ang 6.532-kilometrong Imelda Boulevard patungong Virac Port sa Catanduanes.

Sa administrasyong Duterte rin natapos ang pinagmamalaki ng rehiyon – ang Bicol International Airport sa Daraga, Albay na binansagang “Most Scenic Gateway” sa Pilipinas. Ang nasabing paliparan ay inaasahang magpapayabong sa turismo sa rehiyon.

Sa kabuuan, umaabot sa 1,670 kilometro ng kalsada ang napagawa, nakumpuni o napalapad sa Bicol. Bukod pa riyan, nakagawa rin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng 295 tulay, 706 flood mitigation structures, at 8,437 classrooms – mga proyektong nakapagbigay ng positibong epekto sa pamumuhay ng mga Bicolano.

Nangako rin po si incoming President Marcos na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang proyekto ng administrasyong Duterte. Isa na rito ay ang 380-kilometrong PNR project mula Calamba, Laguna hanggang Daraga, Albay.

Kasama rin po sa ahensiyang ating pinasasalamatan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na siyang tumulong sa Ako Bicol Party-list upang mabigyan ng trabaho o kabuhayan ang libo-libong Bicolano at mga Legazpeños.

Noong Hunyo 20, 2022, sumailalim sa orientation ang pinakabagong batch ng benepisyaryo ng Ako Bicol-DOLE-TUPAD program sa Celebration Plaza, Embarcadero De Legazpi.

Ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantage/Displaced Workers ay hatid ng Ako Bicol Party-list kasama ang DOLE upang makatulong sa mga naghahanap ng trabaho o pandagdag sa kanilang kabuhayan.

Dumalo sa orientation si outgoing Ako Bicol Representative Alfredo A. Garbin, Jr. at ang ilang staff ng DOLE.

Makalipas ang ilang araw, noong Hunyo 24, 2022, isinagawa naman ang payout sa mga benepisyaryo ng programa. Ang mga benepisyaryo ay nanggaling sa Barangay Ilawod 13, Ilawod 17, Cabangan 19, Tamaoyan, Sagpon, Sagmin, Bañadero, Bagumbayan, East Kawit, EM’S 2, Maoyod at Tula-Tula.

Muli, lubos akong nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa pagbibigay halaga nito sa Bicol Region. Habang buhay po kaming tatanaw ng utang na loob sa inyo. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.