Una sa Balita

Salamat, Galedo rarambol sa P50K na gantimpala

By
0 977

Itataya ng mga pambansang siklista at continental teams ang kanilang reputasyon kontra sa kapuwa mga astig ding kareris­ta sa pagkaripas ng PhilCycling National Championships for Road, bukas (Enero 12) at sa Sabado (Enero 13) sa Subic at Bataan.

Nakataya rito ang karapatang maisuot ang pinag-aagawang national champion’s jersey sa Men’s at Women’s Elite, Under 23 at Junior cate­gories, ayon kay PhilCycling President Abraham “Bambol” Tolentino.

Tampok sa pambansang kampeonato ang PRU Ride PH 2018, ang cycling festival na taunang pinapadyak ng Pru Life UK. May tig-P50K na premyo ang maibubulsa ng winners sa men’s and women’s elite riders.

Ang kaganapan ay tatampukan din ni Fil-Am Coryn Rivera, isa sa maangas na babaeng elitikong rider sa mundo na pinag-reynahan ang Tour of Flanders sa Belgium noong nakalipas na taon.

Pangungunahan sa lokal nina Southeast Asian Games gold medalists Mark John Lexer Galedo at Marella Vania Sala­mat ang bulto ng karera kasama ang riders buhat sa continental team 7-Eleven, club teams sa pamumuno ng Standard Insurance-Navy, Go For Gold at Franzia, at siklista buhat sa Philippine Army.

“The national champion’s jersey is the most prestigious jersey a cyclist ri­ding for his country would ever want to wear,” ani Tolentino, na isa ring deputado mula sa Tagaytay City. “We therefore expect a very tough competition among our best cyclists.”

Inaasahang pasisinayaan ni Tolentino ang karera, kasama sina PhilCycling Chairman Alberto Lina at Secretary General Atty. Billy Sumagui at Pru Life UK Senior Vice President at Chief Marketing Officer ­Allan Tumbaga.