Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sakripisyo para sa bagong bukas

0 59

Pinalawig po ng isa pang linggo ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil po sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa kabila ng pinahigpit at limitadong galaw ng mga tao sa nakalipas na isang linggo.

Mabilis po ang pagkalat ng kontaminasyon ng COVID variants kaya naman inirekomenda ng mga eksperto na habaan pa ang ECQ at mas higpitan ang implementasyon ng tinatawag na PDITR, o Prevention, Detection, Isolation, Tracing at Reintegration.

Ayon po sa mga eksperto, nasa mga bahay-bahay na ang bagsik ng COVID-19 at nagkakahawaan ang mga miyembro ng pamilya kaya ito ang isa sa mga dahilan ng mataas na naitatalang COVID cases ng Department of Health (DOH).

Isa sa karakter ng COVID variants ang mabilis na pagkalat kaya naman nasa critical level na ang health care capacity ng mga pagamutan sa Metro Manila at kinakailangang dalhin sa mga kalapit-probinsiya ang mga pasyenteng ang mga sakit ay walang kinalaman sa COVID-19.

Sadya pong mabagsik at malupit ang epekto ng pandemyang ito sa mga Pilipino dahil mahigit isang taon na tayong nakikipaglaban at kung kailan mayroon na tayong bakuna ay saka lumitaw itong mga bagong variant na pinaniniwalaang resulta ng mutation.

Kaya naman po doble-bantay ngayon ang gobyerno dahil bukod sa DOH ay inatasan ang mga lokal na pamahalaan sa NCR plus na magkaroon ng araw-araw na monitoring para malaman ang resulta ng mas pinaigting na PDITR.

Magbabahay-bahay na po ang mga LGU para maagap na matutukan ang mga mayroong sintomas ng COVID-19 para agad na masuri at maisailalim sa isolation.

Marami po ang umaalma agad sa panibagong extension ng ECQ sa Greater Manila Area dahil apektado ang kanilang hanapbuhay at negosyo at naiintindihan ito ng gobyerno.

Pero ang sabi nga ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahit patuloy ang pagtaas ng COVID-19 ay binabalanse ng gobyerno ang ekonomiya at kalusugan ng mga Pilipino. Kaya naman bukas pa rin ang mga “essential” na mga negosyo sa NCR at apat na lalawigan.

Bagamat mas pinahigpit ang mga ipinaiiral na protocol, nakakapasok pa rin sa trabaho ang mga mahalagang sektor pero dapat sundin ang lahat ng pag-iingat.

Ang sabi nga po ni Senador Bong Go, habang nahaharap pa rin sa matinding pagsubok ang bansa, wala silang ibang hangarin ni Pangulong Duterte kundi mailigtas ang buhay ng mga Pilipino, kasama na dito ang pagtugon sa problema sa gutom at kahirapang epekto ng pandemya.

Pero kung sakaling hindi magpaawat sa pananalanta ang COVID-19 at kailangang mamili sa pagitan ng ekonomiya at kaligtasan, sinabi si Senador Go na ang mangingibabaw para sa kanila ni Pangulong Duterte ay ang kaligtasan ng buhay ng mga Pilipino.

SM food to go Banner Ad

Pero kahit ano pa mang quarantine classification pa ang ipairal sa bansa, mahalaga pong pairalin ang pag-iingat, disiplina at kooperasyon para mapigilan ang pagkalat ng virus sa mamamayan.

Sabi pa ni Senador Go, kapag sumunod lahat sa itinakdang health protocols ng gobyerno ay hindi na kailangang pahabain pa ang ECQ.

Pinupuna ng mga haters at critics po si Pangulong Duterte sa pangangasiwa sa problema sa COVID pandemic pero ang hindi nakikita ng mga kritiko ay ang mga ginagawa ng gobyerno para maging minimal ang pinsala nito sa mga Pilipino.

Napakalayo po ng agwat ng Pilipinas kung ikumpara sa ibang mga bansa sa bilang ng mga namatay sa COVID-19 dahil sa loob ng mahigit isang taon ay nasa mahigit 13,000 lamang ang nasawi sa bagsik ng virus, hindi tulad ng Amerika at mga bansa sa Europa na daan-daang libo ang mga nangamatay.

Hindi ito nakikita ng mga kritiko dahil ayaw nilang buksan ang kanilang mga mata at isip na ang Duterte administration ay nakatutok sa pagtugon sa epekto ng COVID pandemic.

Pinag-iinitan nila ang quarantine protocols na ipinatutupad sa bansa na tila ba ang Pilipinas lamang ang gumagawa nito gayong ang ibang mga bansa ay nagpatupad ng lockdown dahil sa tumitinding pag-atake ng COVID-19.

Kabilang dito ang mga bansang France, Germany, Italy, Denmark, Greece, Czech Republic, Spain, Netherlands, Ireland, Sweden, Poland at England.

Hindi po ang gobyerno ang kalaban ng mga Pilipino kundi ang COVID-19 kaya sa halip na maghanap ng butas para lamang mabanatan si Pangulong Duterte, tumulong na lamang po at sabay-sabay nating iahon ang mga Pilipino sa epekto ng pandemya.

Gamitin nating inspirasyon ang Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay, partikular ang mga sakrispiyo ni Hesus sa pagharap sa pagsubok ng COVID pandemic. Sa pamamagitan ng matibay na pananalig, magagawa po nating malampasan ang matinding pagsubok na ito at makakamit ang panibagong pag-asa, panibagong buhay at bagong kinabukasan.

Huwag po tayong mawalan ng pag-asa na malalampasan din ng buong mundo ang pagsubok ng COVID-19 at ipagpatuloy natin ang pagsunod sa health protocols para sa kaligtasan natin at sa kaligtasan ng mga nakakasalamuha natin.

Nakikiisa po ako sa selebrasyon ng lahat ng Kristiyano sa makabuluhang Linggo ng Pagkabuhay na simbulo ng bagong buhay, bagong buhay para sa lahat. Hangad ko po ang ligtas at masayang pagdiriwang ng Easter Sunday!

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.