Una sa Balita

Sakripisyo at pagmamahal hindi lang tuwing Holy Week

By
0 812

Tanda ng pagpasok ng summer ang pagda­ting ng Holy Week. Sa kasagsagan nito ngayon, malamang karamihan ay nasa labas ng Maynila.

Ang iba naghanda para mag-outing lalo pa’t tag-init na, at buo ang pamilya dahil walang pasok sa eskwela at opisina. Ang iba, patuloy sa pamamanata sa pagbisita-iglesia, dala-dala ang mga batang maagang tinuturuan ng tradisyong Pilipino.

Iba-iba man ang paraan ng paggunita natin sa Holy Week, ang importante ay naiintindihan natin ang kahalagahan nito.

Sakripisyo at pagmamahal ang buod ng kuwento ng mga huling araw ng Panginoong Hesu Kristo. Dahil sa sakripisyo at pagmamahal niya, mayroon tayong pagkakataong mamuhay ng habang buhay kasama ang Panginoon.

Sakripisyo at pagmamahal na nakita ko sa mga nakilala namin ni VP Leni Robredo sa pagkalap ng Istorya ng Pag-asa.

Ilang beses na rin tayong nagkuwentuhan tungkol sa Istorya ng Pag-asa at kung ano ang dahilan ni VP Leni bakit niya ito ginagawa. Simple lang—para mabago ang usapan. Para matabunan ng magaganda at nakaka-inspire na kuwentuhan ang mga nakakalungkot na usapan lalo na sa social media.

Isa ang kuwento ni teacher Sabs Ongkiko na tunay na nakakapagbigay lakas ng loob at pag-asa sa ating mga kababayan.

Si teacher Sabs ay nagtuturo sa Culiat Elementary School. Pinangarap niyang maging isang doktor, pero dahil sa tawag ng paninilbihan, nagdesisyong magturo.

Sabi niya nang nagku­kwento kay VP Leni, “So nagdasal po ako, iniisip ko saan ba ako gustong dalin ng Diyos bakit in an instant pinapaisip niya ako sa ganitong direction. And looking back po ma’am, parang halos lahat pala ng nangyari sa buhay ko may relation sa education.”

Dahil sa pagmamahal sa mga nakilala niya nang mag-volunteer siyang tumulong sa mga komunidad, isinakripisyo ni teacher Sabs ang da­ting pangarap na maging doktor para makatulong sa ganitong paraan.

“Kasi ang kasunduan namin ni God is to follow where love leads you. Kung saan ka mas magmamahal, doon ka pupunta. So kung ang tawag ng pagmamahal sa ngayon ay pagtuturo, pagtuturo.”

“Pero kung tawagin ka po sa iba, basta kung saan ka mas magmamahal ganoon po. Kasi para sa akin po ang pagtuturo ay isang porma ng pagmamahal. Isang hulma lang po iyan. It can be in different forms, as long as may goal is to love and serve, I think I’ll be okay parang ganoon po,” kuwento niya.

Ibang kuwento naman ng sakripisyo ang ga­ling kay nanay Rosario Estanislao.

Bata pa si nanay Rosario, pangarap na niyang makapagtapos ng pag-aaral. Pero dahil sa kahirapan, kinailangan niyang huminto. Hindi nawalan ng pag-asa si nanay Rosario, at dahil sa pagsisikap, nakapagtapos ng kolehiyo sa edad na 54.

Kuwento ni nanay Rosario, “Kasabay kong mag-aral ang mga anak ko noon. Nagmemetro aide ako pagkatapos ng ekswela para masiguradong may pangtustos kami sa pang-araw-araw. Mahirap pero kinaila­ngan kong gawin dahil mahalaga ang edukasyon para sa akin.”

Bata pa lang, alam na ni nanay Rosario na importante ang edukasyon. Maraming pagsubok ang dumaan sa kanyang buhay pero pinilit niyang makatapos. Dahil mahal niya ang kanyang mga anak, malugod niyang isinakripisyo ang sariling edukasyon, oras, at pagod para sila ay magkaroon ng pagkakataon sa mas magandang bukas.