Una sa Balita

Sakit sa utak

By
0 423

Jakarta, Indonesia — Habang isinusulat ko ito, nasa ikatlong araw na ako ng halos isang linggong pagbisita dito sa Indonesia. Dalawang lugar ang nakatakda kong puntahan, Jakarta o ang kapitolyo ng bansa, at ang Yogyakarta, isa sa mga unang sibilisasyon sa Timog-Silangang Asya kung saan tayo kabilang.

Naanyayahan ang inyong lingkod kasama ang iba pang propesor mula sa Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas na magbigay ng panayam o lecture sa mga mag-aaral at propesor ng Universitas Kristen Indonesia dito sa Jakarta.

Nagbigay kami ng lecture hinggil sa mga paksang panitikan at komunikasyon. Naatasan akong magbigay ng lecture hinggil sa social media dyna­mics ng ating bansa habang pinakinggan ko naman ang sa kanila.

Tulad natin na nahuhumaling sa social media, may ilang kaakibat na suliranin din sila dito sa paggamit ng social media tulad ng Instagram at Facebook. Nakararanas din sila ng cyberbullying, trolling, at fake news.

Sa mga hindi nakaaalam, ayon sa New York-based independent global branding and marketing think tank na wearesocial.com, sa kanilang 2018 Global Digital Statshot, ehem, tayo raw ang nangungunang gumamit ng social media sa buong mundo kung ang pagbabatayan ay haba ng oras bawat araw. Halos apat na oras.

Samantala, nasa ikaapat na puwesto sa nasabing talaan ng mga bansang gumagamit ng social media ang Indonesia. Gumagamit sila ng social media nang tatlong oras at kalahati bawat araw.

Related Posts

Kaya hindi nakapagtatakang hindi nalalayo ang karanasan ng mga Indonesian sa mga Pinoy pagdating sa paggamit ng paborito nating social media platform para i-upload ang ating larawan na kadalasan, mismong tayo ang kumuha, o tinatawag na selfie.

May pagkakataong delikado ang selfie. Alam kong nagkalat sa internet ngayon ang mga balita hinggil sa pagkamatay dahil sa aksidente ng kung sinong gusto lamang magkaroon ng maganda at maipagmamalaking selfie. At saan ba lumu­lunsad ang selfie, siyempre sa social media.

Hindi ka naman magse-selfie para makita lamang ng iyong sarili. Ia-upload mo ito para ma-like ng iyong ka-Facebook.
Sa sobrang pagkahumaling sa pagdutdot sa social media, hindi rin nakapagtatakang baka nga ideklara nang sikolohikal na sakit ang labis na pagse-selfie.

Ngunit hindi tungkol sa mismong sakit sa utak ang nais kong talakayin kahit pa ito ang pamagat ng aking kolum. Pagbiyahe pa lamang mula airport ng Jakarta patungo sa hotel na tutuluyan ko, nakita ko kaagad ang pagkakatulad ng mga salita natin sa Bahasa, ang wikang pambansa ng Indonesia.

Ilan na nga rito ang “sakit” at “otak” na nakita kong magkasama sa neon sign ng isang napakala­king ospital dito. Nang tanungin ko ang sumundo sa akin, totoo nga, iyon ay ospital para sa maysakit sa isip at utak.
Marami pa ang pagkakatulad na ito: kam­bing, payong, kangkong, anak, pangsit (pansit), bangsa (bansa). Mauubos ang espasyo kung iisa-isahin ko ang mga salita.

Ibig ko lamang sabihin, bukod sa pagiging bahagi ng Malay race, at magkatulad sa paraan ng paggamit ng social media, ang wika natin ay malapit na magkamag-anak.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy