Una sa Balita

Sakit sa dibdib: Atake sa puso na ba ito?

0 631

Bilang isang espes­yalista sa puso, sari sa­ring sakit sa dibdib ang kinukunsulta sa akin. Sa aking palagay, 80% sa sakit sa dibdib ay walang kinalaman sa puso.

Paano ko nalalaman na hindi sa puso ang problema? Nahuhulaan ito ng doktor sa pagkukuwento ng pasyente sa kanyang nararamdaman.

Kung ang sakit mo sa dibdib ay parang may tumutusok, hindi ‘yan sa puso.

Kung ang sakit ay nasa kanang bahagi ng dibdib, hindi rin iyan sa puso.

Kadalasan ay nagmumula sa muscle ng dibdib ang pagkirot. Baka natutulog ka sa matigas na higaan, Baka nadaganan ni mister o ni misis. Baka nagbuhat ka nang mabigat at nabanat ang laman,

Ang malakas na pag-ubo ay nagdudulot din ng sakit sa dibdib. Ang solusyon dito ay pahinga lang. Puwedeng uminom ng paracetamol o me­fenamic acid kapag makirot talaga.

Related Posts

May iba pang paraan para masuri kung ga­ling sa puso ang pa­nanakit. Una, kaya mo bang ituro ng isang daliri ang pananakit sa dibdib? Kapag naituro ito ng pasyente, hindi na iyan sa puso. Ang sakit sa puso ay hindi maituro ng isang daliri.

Pangalawa, gaano ba katagal sumasakit ang iyong dibdib? Kapag wala pang isang minuto ang sakit o kaya ay lampas ng isang oras ang kirot, siguradong hindi rin iyan sa puso. Ang tunay na sakit sa puso ay mula 5 minuto hanggang 15 minuto lamang.

Paano ba talaga ang sakit na nagmumula sa puso? Ang tunay na sakit sa puso ay sinasabing mabigat na parang may nakadagan sa dibdib. Ang sakit ay tumatagal ng 5 hanggang 15 minuto. Dumarating ang sakit kapag napagod, naglakad nang malayo o umakyat ng hagdan.

Sino ang madalas na magkaroon ng sakit sa puso? Ito ay ang kala­lakihan na mula 50 ang edad pataas. Kung ikaw ay may katabaan, may diabetes, o may lahi ng sakit sa puso, malaki ang tsansa na baka sa puso nga ang diperensya. Sa ganitong sitwasyon, magpatingin na sa doctor.

Pero kung wala ka pang edad 30, lalo na sa kababaihan, halos sigurado ako na hindi sa puso ang iyong problema. Huwag mangamba pero magpa-check sa isang doktor kung kailangan.

Tandaan: Huwag matakot magpakonsulta sa doktor para malaman ang dahilan ng mga nararamdaman ninyo. Mainam na maagang magpatingin para malunasan agad ito.