Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sakayan na

0 138

Sumasakay tayo para makarating sa isang lugar. ‘Sakay’ ang salitang nasa ubod ng salitang ‘sakayan’. Ibig sabihin, sumakay na tayo para makarating sa isang lugar. Paalis na, papunta na tayo. Ito rin ang nasa ubod ng ginagamit nating bagay para makarating sa isang lugar, ang sasakyan. At naniniwala akong malinaw sa atin ang literal na kahulugan ng pagsakay at sasakyan.

Ang mas pagtutuunan ko naman talaga ng pansin at pagninilay sa espasyong ito ay ang konotasyon ng salitang ‘sakay’. Ang konotasyon ay ang kahulugang ibinibigay natin sa isang salita o kataga higit sa literal nitong ibig sabihin. Sa puntong ito, alam ko rin namang may ideya na kayo sa konotasyon ng salitang ‘sakay’.

May mga kakilala tayong nakikisakay sa isang usapin. Ginagamit ang usapin para isulong ang kaniyang motibo. Halimbawa, at ito ang usong-uso ngayon, maalala ang pulitiko hanggang manalo sa eleksyon. Nakikisakay ang isang pulitiko sa isang isyung wala naman siyang kinalaman, pero magpapahayag pa rin siya ng kaniyang opinyon na para bang mahalaga ang kaniyang sasabihin.

Sinasakyan niya ang isyu para sa libreng exposure. Hindi ba’t ganito ang mga literal na nakikisakay? Makikisabay sa sasakyan. Sasakay hanggang sa lugar na pinakamalapit sa kaniyang pupuntahan. Doon siya bababa.

Nakikisakay ang maraming pulitiko sa mga isyu para sa libreng media mileage. Pero saan patungo ang pagsakay na ito? Ano ang destinasyon? Dahil napapanahon, ang destinasyon siyempre ay eleksyon. Ang bawat pagsakay sa isyu ay libreng pagpunta sa halalan para matandaan ng mga botante. Para magmukhang kasali, para magmukhang may alam.

Masama ba ang makisakay? Sa totoo lang, kung literal na ibig sabihin, hindi. Kung may bakanteng upuan sa sasakyan, bakit nga naman hindi isabay ang nakikisakay? Pero sa konotasyon ng pagsakay, hindi ito maganda.

Mahahalata mo itong mga nakikisakay. Dati ay hindi mo naman naririnig magsalita. Pero ngayon, kahit anong isyu, may opinyon kahit hindi kapanayamin ng media. Madalas, magpapahayag gamit ang kaniyang marami at binayarang social media account. Papalaganapin ng kaniyang mga alipores hanggang makarating sa inyong news feed.

Mas madaling makisakay ngayon. Hindi na kailangang hingin ang kaniyang opinyon. May sasabihin siya sa ayaw mo at sa gusto. Swerte kung may kabuluhan, pero hindi iyan makikisakay sa usapin kung talagang may laman ang sasabihin.

Sa panahong ito, madaling magtunog may alam sa sasabihin ang isang pulitikong nakikisakay. Ano ba naman kung ipagawa mo ito sa iyong tauhan? Sino ang makakaalam? Basta pansinin ninyo, mula sa pinakamababang posisyong tinatakbuhan—konsehal ng bayan—hanggang sa pagkapangulo, bawat kandidato ay mistulang may sasabihin sa isang isyu kahit na noong huling tatlong taon ay hindi mo naman nasaksihan kung may ginawa o sinabing makabuluhan.

Marami iyan. Mag-iingat. Lalo iyong nangangako ng pagkakaisa at kaginhawahan sa buhay ng mamamayan samantalang noong sila ang nasa posisyon, watak-watak at kay daming paghihirap at pinahirapan. Huwag padadala sa popularidad. Huwag padadala sa laging pagsawsaw at pagsakay sa isyu. Alaming mabuti ang motibo. Sumasakay ba para maglingkod o mangamkam lang ng pondo?

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.