Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sahod

0 298

Sa nakaraang linggo ay nangibabaw ang mga panawagan para sa pagtataas ng minimum daily wage ng mga manggagawa dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ng mga bilihin.

Lahat tayo ay apektado ng biglang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dahil na rin sa nagaganap na krisis ngayon sa Europa sa pagitan ng Russia at Ukraine. Dito makikita kung paanong ang isang pangyayari ay nagdudulot ng sunod-sunod na epekto sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Hindi lamang tayo ang nakakaranas nito kundi maging ang ibang bansa rin.

Ganoon din ang mangyayari sa pagtataas ng sahod o minimum wage. Kung titingnan natin ang panawagan para itaas ang minimum wage, mukha bang napakadaling gawin bilang LUNAS sa ating mga problema. Pero marami palang maaapektuhan nito.

Alam nating may matinding basehan kung bakit kailangan itaas ang sahod ng mga manggagawa. Dito lamang sa Metro Manila, noon pang 2018 huling nagkaroon ng adjustment sa minimum wage. Ilang taon na ang nakalipas at marami na ring nangyari, kaya’t napapanahon na para pag-aralan muli ng regional wage ang pagtataas ng sahod.

Sa mga regional wage boards sa bawat rehiyon pinag-aaralan ang isyung ito kung saan lahat ay may boses—ang mga manggagawa, ang mga employer at ang gobyerno.

Dapat pag-aralang mabuti kung magkano ba ang dapat itaas sa sahod at kung ano ba ang magiging epekto nito. Dapat balansehin ang interes ng lahat para makatiyak na ang magiging bunga nito ay makakabuti sa karamihan.

Isang dapat tingnan ay ang katotohanang hindi naman lahat ng negosyo ay kakayanin ang pagpapatupad ng wage increase. Karamihan sa mga negosyo sa bansa ay mga micro at small enterprises na baka hindi kakayanin ang pagtataas ng sahod dahil hindi pa sila nakakabangon mula sa hagupit ng pandemya, Kapag ganito ang mangyayari ay maari silang magbawas ng mga empleyado o kung mamalasin ay baka tuluyan ng magsara.

Dapat ring pag-aralan kung ano ba ang epekto nito sa mga “no-work, no-pay” na mga manggagawa. Ang unang dapat itanong ay kung kasama ba sila sa makikinabang sa pagtaas ng sahod. Malamang ay may mga “no-work, no-pay” workers na hindi mabebenipisyuhan ng wage increase.

Halimbawa na lamang ay ang mga taga-deliver ng mga pagkain o ng mga online shopping orders. Lahat ba ng kanilang employer ay nagbibigay ng minimum wage o depende ang kita nila sa dami ng kanilang maidedeliver kada araw?

Kapag nagpatupad ng wage increase, karamihan sa mga tutugon dito ay ang malalaking kumpanya na may mga regular na empleyado. Kaso nga lang, para sila makabawi sa dagdag na pondong kailangan nila para sa dagdag na pasahod, ipapasa nlla ang gastusing ito sa kanilang mga costumer. Ito ay sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang mga produkto at serbisyo,

Sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo, sino ang maa-apektuhan? Hindi ba’t tayong lahat? Kapag sapat ang kinikita mo, walang problema para sa ‘yo. Pero paano kung kakarampot na nga ang naiuuwi mo sa iyong pamilya, at kapag nagkasakit ka pa, ay siguradong no work, no pay?

Paano na ngayon kapag ganito ang nangyari? Saan tatakbo ang mga ‘no-work, no-pay’ para humingi ng tulong? Mabibigyan ba sila ng ayuda?

Isang aspeto pa lamang yan ng maraming pangangailangan ng mga ‘no-work, no-pay’ workers na dapat hanapan ng LUNAS. Kaya naman napapanahon na para proteksyunan ang kanilang kapakanan.

Tiwala naman tayo na kapag napag-aralang mabuti at naitulak sa Kongreso ang batas para bigyan sila ng sapat na tulong at proteksyon, ang kanilang mga problema ay may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.