Una sa Balita

Sagupaan sa Zambo, sumiklab

By
0 1,334
Sumiklab ang sagupaan sa lalawigan ng Zamboanga del Norte kung saan pinaniniwalaang nasawi ang marami sa grupo ng mga armadong nilusob ng militar at pulisya.
 
Kinumpirma ito kahapon ni Chief Inspector Helen Galvez, ang tagapagsalita ng regional police office, matapos na matanggap ang ulat mula sa lalawigan. 
 
Nabatid na sa bayan ng Kalawit naganap ang labanan matapos na maabutan ng mga sundalo at parak ang tinatayang 20 armado sa Barangay Daniel Maing.
 
Walang inulat na nasawi sa panig ng militar at pulisya sa naturang engkuwentro ngunit patuloy kahapon ang paghahanap ng mga sundalo at police commandos sa mga armadong nakatakas bitbit ang kanilang casualties.
 
“Operatives are still monitoring the area to determine the possible withdrawal of the enemies,” ani Galvez.
 
Sinabi pa nito na nabawi rin ng 42nd Infantry Battalion at 1st Mobile Platoon ng Mobile Force Company ang mga naiwang armas ng kalaban at kabilang dito ang isang KG9 machine pistol, isang rifle grenade, granada at mga military uniform at hammocks, gayundin ang isang pares ng binoculars, flash lights at mga bala.
 
Hindi naman tinukoy ng Galvez kung ang mga armado ay miyembro ng New People’s Army o mga militants na kaalyado ng ISIS.