Una sa Balita

Sagot na nga ba sa problema sa passport

By
0 484

May bagong sistemang ipa­tutupad ang Department of Foreign Affairs para tugunan ang ma­laking problema sa passport appointment system—ang ePayment portal.

Ito na kaya ang sagot sa matagal nang hinaing ng mga passport applicant?

Sa ilalim ng ePayment, lahat ng mga passport applicant ay kailangan munang magbayad ng processing fee sa iba’t ibang payment center kapag kumuha sila ng appointment. Ang sistemang ito ay ipatutupad para mabawasan ang bilang ng ‘no show’ o mga aplikanteng kumukuha ng appointment pero hindi naman aktuwal na sumisipot sa petsa ng kanilang appointment. Sa lumang sistema, marami ang nasasayang na appointment dahil sa mga ‘no show.’

Kapag nga naman nakabayad na ang isang aplikante, obligado na siyang sumipot dahil kung hindi ay forfeited ang kanyang ibinayad na processing fee.

Sa umpisa ng implementasyon ng e-Payment Portal, puwedeng magbayad ang aplikante sa mga selected payment centers tulad ng Bayad Center, ECPay, Pera Hub, Ro­binsons Business Center and Department Store, Walter Mart Department Store, 7-Eleven, USCC Western Union at Villarica Pawnshop. Gagawin ding avai­lable ang e-payment sa pamamagitan ng credit card at cash transaction sa mga selected bank.

Hindi lamang ang mga ‘no show’ at nasasayang na appointment ang tina-target resolbahin ng DFA sa kanilang ePayment system kundi ma­ging ang mga fixer at scammer na namamakyaw ng appointment at iligal itong ibinebenta sa mga aplikante. Sa bagong sistema, lahat ng appointment ay ‘non-transferable’ kaya hindi na uubra ang ginagawa ng mga fixer na ipaglalagay sa iba’t ibang pangalan ang pinapakyaw nilang appointment at pinapalitan na lamang kapag naibenta na nila ang appointment sa isang nagmamada­ling aplikante.

Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca na ang ePayment portal ay unang gagamitin sa mga aplikasyon na ipinapasok sa DFA Aseana Consular Office nga­yong buwan ng Hunyo bago ipatupad sa buong Metro Manila sa July at nationwide na pagdating ng Agosto.

Sa planong ito ng DFA, may pag-asa na ngang maging maayos ang sistema sa pagkuha ng pasaporte sa bansa. Baka sakaling hindi na nga mapagkakitaan ng mga tiwaling tauhan ng DFA at ng kanilang mga kakutsabang fixer ang mga kawawang aplikante.

Baka sakaling dumating ang araw na madali na lamang kumuha ng appointment at hindi na kailangang pumunta pa ng malalayong probinsiya para lamang mag-renew o mag-apply ng pasaporte. Baka sakali… mawakasan na ang bulok na sistema. Babantayan natin ito!