Una sa Balita

Sagipin ang mga nakakulong na OFWs

By
0 12

Habang nagbubunyi ang sambayanan sa paglaya ng Marawi mula sa mga terorista, mga 3,827 OFWs naman ang umaasam ng kalayaan mula sa mga kulungan sa ibang bansa.

Kung tutuusin, papalo sa 4,452 ang lahat ng OFWs nakakulong kung isasama natin ang 652 na Pinoy na iniimibestigahan sa samu’t saring kaso.

Ayon mismo sa report ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga Pinoy na ito ay nakakulong ngayon sa 52 mga bansa at teritoryo sa buong mundo.

Abante Hiring – IT dep

Ito ay base sa mga reports na pinadala ng mga embassies at consulates ng Pilipinas mula July hangang December last year.

Sa mga nakapiit ngayon sa ibang bansa, 130 na OFWs ay humaharap sa parusang bitay – 48 ay nasa Malaysia, naghihintay ng ‘clemency’ at 43 naman nasa karsel ng Saudi Arabia ang humihingi ng ‘forgiveness’.

Ang iba nakakalat sa ibang bansa na ‘di mo isisipin na may Pinoy na nakakulong tulad ng Brazil, Colombia, Peru, at Ecuador.

Lahat sila ay nagdarasal ng kapatawaran at paglaya mula sa sentensya na kamatayan.

Sa kaso ng 137 OFWs na nasentensyan na ng habambuhay, tanging panahon na lang ang makapagsasabi kung kailan sila lalaya.

Nasa Malaysia ang may pinakaraming Pinoy na nasentensyahan ng bitay.

Sa China, kapansin-pansin ang pagkaunti ng Pinoy na pinaparusahan ng kamatayan doon.

Ikatutuwa ito ni Presidente.

Pero dito na magagalit si Digong  droga pa rin ang numero unong dahilan kaya sila nakukulong o napaparusahan ng bitay.

Maniniwala ba kayo na may nakakulong na Pinoy ngayon sa abroad sa bintang na ‘witchcraft, sorcery, and black magic’?

At siyempre, marami ring magkakakosang OFWs ngayon dahil sa paboritong past time ng bayan – alak – lalo na du’n sa Middle East.

May nakakulong din dahil hindi nakabayad ng utang, paglabag ng batas trapiko, at pati illegal fishing.

Nakakaawa din talaga ang mga kababayan natin. Hindi pa kasama sa report ng DFA ang mga Pinoy na nabiktima o nagawan ng krimen ng kanilang mga among dayuhan tulad ng rape at iba pang kabastusan.

At sigurado tayo na mas maraming Pinoy ang nakaranas ng pang-aapi o naabuso ang karapatan kaysa sa mga nakakulong.

May kasalanan man o wala, tama lang na paigtingin ng DFA ang kanilang pagtutok sa mga distressed OFWs sa buong mundo.

Kung kakayanin lang, dapat may 24/7 ‘monitoring’ ng lahat ng mga nakakulong na OFWs para alam ng kanilang mga pamilya ang kanilang sitwasyon.

Isang tamang hakbang ay dagdagan din ang pondo ng “Assistance-to-Nationals (ATN)” Fund ng DFA upang mapagbuti pa lalo nitong ahensya ang pagtulong at pagsagip sa mga Pinoy abroad.

Sa national budget next year, ang pondo ng ATN ay papatak ng P1 billion.

Hiwalay pa rito ang DFA Legal Fund na makakakuha ng pondo na P200 million.

Pareho nang may dagdag ang pondong ito, ngunit pati siguro si Secretary Cayetano ay magsasabing kulang pa.

Kung titingnan mo ang sheer number ng mga OFWs na nakakulong ngayon abroad, mas higit pa sa P1 billion ang kailangan upang masabi natin sa mga pamilya nila na “Ginawa po namin ang lahat”.

Pagkatapos gumastos ng milyun-milyon sa pagpapalaya sa Marawi, ‘di naman siguro masama kung maglambing ng ilang milyon pa upang sagipin mula sa mga kulungan ang ating mga kababayan.