Una sa Balita

Sagipin ang kabataan mula sa komunismo

0 403

Likas sa atin bilang magulang ang hangaring ma­bigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga anak at palagi silang gabayan sa araw-araw upang masiguro na sila’y nasa tamang landas. Kaya naka-aalarma ang kasalukuyang sitwasyon ng kabataan lalo na silang mga naengganyong sumapi sa mga subersibo at makakaliwang grupo na lumalaban sa gobyerno.

Sa unang buwan ng ating panunungkulan, isang grupo ng mga magulang ang tumu­ngo sa ating tanggapan upang idulog ang pag-aalala at pangungulila sa kanilang mga anak, karamihan ay menor de edad at ayon sa kanila’y matagal nang nawawala.

Tahasan nilang ipinaalam sa atin ang ginagawang paghihikayat sa mga batang ito na sumapi sa Anakba­yan, League of Filipino Students (LFS), Kabataan Party-list at iba pang organisasyong pa­wang mga kilala na may kaugnayan sa rebeldeng grupong New Peoples’ Army.

Sa ating pagha­hangad na matugunan ang problema sa a­king kapasidad bilang chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nagpasa tayo ng reso­lusyon upang hili­ngin ang pagsasagawa ng pagdinig, ‘in aid of legislation’, talakayin ang problema at makapagrekomenda ng mga kaukulang aksyon upang maresolba ito.

Sa hearing noong Miyerkoles na dinaluhan ng mga opisyales mula sa PNP, PUP at iba pang stakeholders, personal nating narinig ang saloobin ng mga magulang na nagpataas sa emosyon ng lahat. Hindi nila napigilang umiyak at maglabas ng kanilang sama ng loob sa mga nabanggit na makakaliwang grupo. Malaki umano ang ipinagbago sa ugali ng kanilang mga anak matapos na sumapi sa Anakbayan, LFS at Kabataan Party-list.

Simula sa pag-uwi ng hatinggabi ay tuluyan na umanong nagsipag-tigil sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Nakapanghihinayang isipin na nasisira ang kinabukasan ng mga bata dahil lamang sa mali at walang saysay na ideolohiya na matagal nang ibinabasura ng maraming lahi sa mundo.
***

Ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan ay tinutustusan ng pamahalaan, sila ang mga iskolar ng bayan. Inaasahan natin na sila ang mga susunod na leader ng bansa. Ngunit sa takbo ng mga pangyayari, tila ang mga iskolar ng bayan ay nagiging kalaban ng bayan. Dapat sana’y maging aktibo silang kaagapay ng pamahalaan sa pagsusulong ng kaayusan at prog­reso ng bansa. Ating sagipin ang kabataan mula sa panghihimok at mapanlokong salita ng makakaliwa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy