Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Safety Seal’ program inilunsad sa Parañaque City

0 139

Ginawaran ng kauna-unahang ‘safety seal’ certificate ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang SM Mall Sucat bilang isang ligtas na establisimyento dahil sa pagsunod sa mga minimum health standand ngayong pandemya.

Ang ‘safety seal’ ay isang garantiya na ang SM City Sucat ay sumusunod sa mga polisiya na itinakda ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamimili laban sa COVID-19.

Layunin nito na pataasin ang kumpiyansa ng mga customer na ligtas mamasyal sa mall.

Ang programa ay tinaguyod ng lokal na pamahalaaan sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. 21-01 kung saan may mandato ang local government na bumuo ng Safety Seal Certification Committee na siyang mag-iinspeksyon sa mga commercial establishment bago bigyan ng safety seal.

Personal na inabot ang certificate nina Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, DTI Secretary Ramon Lopez, DILG Undersecretary Jonathan Malaya, Rep. Eric Olivarez at abogado na si Malanie Malaya, pinuno ng Business Permit and Licensing Office ng lungsod kay Steven Tan, presidente ng SM Supermalls sa isang simpleng seremonya.

Hinimok ni Olivarez ang mga mamimili na tangkilikin ang mga establisimyento at negosyo na may safety seal na patunay na nasa mabuti silang pangangalaga habang namamasyal o namimili.

“The local government is committed to require all business establishments to comply with the minimum public health standards as we increase the operating capacity to help them recover in this pandemic. SM Mall Sucat is just the first in Paranaque to receive the Safety Seal,” sabi pa ni Olivarez.

Ang programa ng ‘Safety Seal’ ayon kay Lopez, ay isang hakbang na pinatutupad din ng ilang malalaking bansa tulad ng Singapore upang maitaas ang tiwala ng mga mamimili sa pagbubukas muli ng mga negosyo na nagsara dahil sa pagkalat ng virus.

Sinimulan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang programa noong Disyembre noong nakaraang taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.