Una sa Balita

Sablay na palusot sa krisis sa bigas

By
0 184

Hindi katanggap-tanggap ang apela ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol sa mga consumer na una­wain kung bakit mataas ang presyo ng bigas. Pagdadahilan niya, pagkakataon daw ito ng mga magsasaka na kumita. 

 Nabanggit ni Secretary Piñol na tumaas daw ng hanggang P29 ang benta ng dry palay kaya tumaas ng limang piso ang bawat kilo ng bigas sa merkado. Ang sabi naman ng mga magsasakang nakausap ko mula sa iba’t ibang rehiyon, malayo ito sa katotohanan. 

Ang katotohanan, ngayong buwan ng Set­yembre hanggang Oktubre pa lamang mag-aani ang mga magsasakang naunang nagtanim. Hindi ba alam ni Secretary Piñol na kapag panahon ng anihan, bagsak ang presyo ng palay. Masuwerte na ang mga magsasaka kung maibebenta nila ng higit sa P22 ang dried palay sa mga tra­der. Kapag fresh naman o hindi pa naibibilad, naglalaro ang presyo sa P18 hanggang P19 ang bawat kilo.  

Nagmamahal ang presyo ng palay kapag tapos na ang anihan at maaaring aabot ng P29 ang bawat kilo ng dry palay. Ngunit, hindi na ang mga magsasaka ang nagbebenta ng ganitong halaga kundi ang mga middlemen na. 

Dahil walang post harvest facilities tulad ng bodegang pag-iimbakan ng palay, agad ibinebenta ng mga magsasaka sa mga middlemen ang kanilang mga ani sa murang halaga. Kawalan ng dryer sa halos lahat ng agri­cutlural provinces ang sanhi nito. 

Ang mayroon lang mga pasilidad ay ang mga middlemen kaya malakas ang loob nilang bumili nang bumili ng palay at saka ibinebenta naman sa mil­ling companies kapag tapos na ang anihan. Sa ganitong sitwasyon, papaanong nakinabang ang mga magsasaka sa mataas na presyo na sinasabi ni Secetary Pinol? 

Hindi dapat gamitin ni Secretary Pinol ang katuwirang ito para lang mawala ang galit ng mga consumer. Insulto ito sa mga magsasaka na matagal nang humihingi ng ayuda sa gobyerno para masiguro ang sapat na suplay ng bigas sa bansa. Kulang ang suportang natatanggap nila kahit bilyon-bilyon ang budget ng gobyerno sa sektor na ito. 

Kailangang tanggapin ng gobyernong ito na mayroong mali sa kanilang mga ginagawa kaya umabot ng ganito katindi ang problema sa bigas. Talagang kulang ang suplay ng bigas sa bansa. Dahil ganito ang tunay na kalagayan, dapat sana ay laging naghahanda ang gobyerno, partikular ang National Food Authority (NFA) na gumawa ng paraan upang siguraduhing may sapat na suplay tayo ng bigas. 

Ang nakakadismaya pa ay imbes na akuin ang kamalian, nagtuturuan pa ang iba’t ibang mga ahensya. Samantala, wala naman tayong marinig sa Pangulo na dapat sana ay pumapagitna at nagbibigay ng direksyon sa krisis na ito. 

 Hangga’t hindi ginagampanan ng maayos ng mga ahensya ang mandato nito, magpapatuloy ang krisis sa bigas. Masaklap, walang ibang nasasaktan dito kundi ang mga ordinaryong mamamayan. Kumakalam na ang sikmura ng taumbayan, puro palusot at turuan pa rin sa administrasyon.