Una sa Balita

Saan ang galing ni Duque?

0 784

Nung pumutok ang balita hinggil sa bagong virus, normal lamang na maraming hindi alam ang taong-bayan tungkol sa bagong sakit na ito.

Bagama’t normal din para sa mga nasa larangan ng medisina na marami din silang hindi alam, inaasahan ng mga tao na—dahil sa kanilang pagiging mga doktor—ay higit na may kaalaman sila tungkol dito. Nasa ayos din, palagay ko, na asahan natin na si Francisco Duque ay may sapat na kaalaman hindi lamang tungkol sa bagong sakit na ito kundi sa pamamahala ng pampublikong kalusugan sapagkat hindi lamang siya ordinaryong manggagamot kundi, siya ang Kalihim ng Kalusugan.

Sa ilalim ng ating struktura at mga batas, ang posisyon na Kalihim ng Kalusugan ang kanang kamay ng Pangulo ng Pilipinas sa mga usaping pangkalusugan. Ito rin ang inaatasang mangasiwa sa mga sangay ng pamahalaan na nangagalaga sa ating kalusugan.

Sa aking pagsasaliksik, nagsimula ang maningning na karera ni Duque sa pamahalaan nuong siya ay gawing Presidente ng PhilHealth sa taong 2001. Siya ay naging Kalihim ng Kalusugan ni Pangulong Arroyo mula 2005 hanggang 2009, naging Chair ng Civil Service Commission nuong 2010 hanggang 2015, namuno sa GSIS ng isang taon nuong 2017, at bumalik sa Department of Health nuong 2017.

Kung papaniwalaan natin ang mga nakalathala tungkol sa kanya, tila naging maganda naman ang kanyang paglilingkod, maliban sa ilang akusasyon—na kanyang tinanggi—na nakikinabang ang kanyang pamilya sa ilang mga transaksyon sa pamahalaan. Isa sa ipinagmamalaki sa website ng DOH ay ang pagkilala na iginawad sa kanyang departamento nuong 2009 bilang isa sa tatlong bansa lamang na may pinakamahusay na komunikasyon sa harap ng pandemic ng AH1N1, sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa madaling salita, mahaba na ang karanasan ni Duque sa larangan ng pampublikong kalusugan at bilang isang pinuno sa harap ng matinding krisis. Nguni’t anong nangyayari?

Bilang isang krisis sa pampublikong kalusugan, dapat ang isang Kalihim ng Kalusugan ang isa sa mga pinakamaalam at namumuno sa dapat ginagawa ng pamahalaan. Sa katunayan, hindi ba dapat may nakaumang na plano sa mga ganitong pagkakataon? Bagama’t napatunayan na, hanggang ngayon, hindi pa rin siya naniniwala na dapat magkaroon ng malawakang pag-test sa mga tao para malaman ng maaga sino ang mga may COVID-19. Kabi-kabila din ang mga ulat na ang mga donasyon ng mga gamit na kailangang-kailangan ng mga frontliners sa mga ospital ay naiipit sa kanyang tanggapan.

Tuwing magasasalita si Duque sa mga balita, ang maririnig sa kanya ay puro numero lamang ng sitwasyon, mga bagay na nabasa lang din sa internet, at maraming paninisi, kagaya ng ginawa niya para sa mga taga-DOH sa pagdinig sa Senado. Hindi siya nakakapagbigay ng inspirasyon o mga kalutasan sa ating sitwasyon.

Matatandaan na si Duque ay matinding tumutol noon sa pagkakaroon ng travel ban para sa mga galing sa China. Higit na inalala pa niya ang magiging damdamin ng China kaysa ang pag-iwas ng paglaganap ng sakit dito. Kamakailan, agarang din siyang dumepensa sa mga depektibong test kits galing China. Baka andito ang kanyang galing.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More