Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sa paghahanap ng bakuna, kaligtasan ang una

0 182

May nasisinag nang pag-asa ang mga Pilipino na malapit nang matuldukan ang dinaranas na sakripisyo mula sa epekto ng COVID-19 pandemic matapos ianunsiyo ng ating embahada sa China na nasa final stage na ng clinical trial ang tinutuklas na bakuna laban sa COVID-19.

Ibinalita po ni Philippine Ambassador to China Jose Santiago “Chito” Sta. Romana nitong nakaraang Huwebes na tatlo sa apat na tinutuklas na bakuna sa China ay malapit nang matapos sa phase 3 trial kung saan sinubukan ito sa kanilang mamamayan at wala pa aniyang naitalang “adverse reaction” o masamang epekto sa mga sumailalim sa bakuna.

Ayon po kay Ambassador Sta. Romana, hindi lamang sa mga Chinese sinubukan ang tinutuklas na bakuna kundi sinubukan din ito sa Brazil at United Arab Emirates (UAE) para matukoy kung angkop ang vaccine sa ibang mga lahi maliban sa Chinese.

Sa katunayan po ayon sa ating embahador, halos nasa isang libong mga Pinoy sa UAE ang nag-volunteer na sumubok sa bakuna.

Sakaling maaprubahan ang mga vaccine na ito, malaking bagay para sa mga Pilipino para makabangon agad dahil isa ang Pilipinas sa prayoridad na unang makatanggap ng bakuna.

Matatandaang inihayag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging bakuna lamang ang makakalutas sa dinaranas na matinding kalbaryo at sakripisyo ngayon ng sangkatauhan.

Panghahawakan po ng ating gobyerno ang naging kasunduan nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping nang mag-usap sa telepono kung saan nagbigay ng commitment si President Xi para sa bakuna.

Bagamat marami pang prosesong pagdadaan sa Pilipinas ang mga bakuna sakaling magtagumpay ang pagsasaliksik ng mga eksperto sa China, nagbigay ito ng malaking pag-asa sa mga Pilipinong patuloy na nagdarasal na sana ay matapos na ang pandemyang dulot ng COVID-19.

Dadaan pa rin sa masusing pagsusuri ng ating mga eksperto ang bakunang gagamitin para sa mga Pilipino para masigurong ligtas at epektibo ito sa sandaling gamitin na ng bansa.

Ganito rin po ang nais ni Senador Bong Go na siyang Chairman ng Senate Commitee on Health, na aniya ay kailangang isaalang-alang ang kaligtasan ng lahat ng mga Pilipino.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ayon po sa Senador, hindi kailangang magmadali sa pag-apruba sa bakuna kontra COVID-19 dahil importanteng matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at para hindi maulit ang kontrobersiya sa isang bakunang ginamit sa bansa na naging sanhi ng kamatayan ng mga batang estudyante.

Gaya po ng nabanggit ni Pangulong Duterte, uunahing bigyan ng bakuna kontra COVID ang mga pinaka-mahihirap na mamamayan, ang health workers at frontliners para manatili ang kanilang lakas habang nilalabanan ang pagkalat ng virus.

Batay po sa pahayag ni Senador Go, mayroong nagaganap na ugnayan sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno at multinational drug companies para sa gagawing clinical trials at para mabilis na makakuha ang gobyerno ng vaccine sakaling magtagumpay ang mga ito.

Isa sa mga nag-apply na aniya para sa clinical trial sa bansa ay ang Sinovac at inaasahang marami pang susunod dito.

Maging ang Russia ay mayroon na ring commitment sa Pilipinas ng access sa kanilang Sputnik V vaccine sa sandaling matapos na ang ginagawang clincal trial.

Hinimok po ni Senador Go ang Department of Science and Technology (DOST) na siyang ahensiyang mangangasiwa sa clinical trials na bilisan ang proseso subalit sumusunod sa scientific standards.

Batay po sa pagtaya ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, inaasahang matatapos ang phase 3 trial ng vaccine sa bansa sa March 2021, na mangangahulugang ilang buwan na lamang ang ipaghihintay ng sambayanan.

Konting panahon na lamang po ang ipaghintay ng mga Pilipino dahil mahalagang matiyak na ligtas gamitin ang bakuna. Sa katunayan po, tuloy ang koordinasyon ng gobyerno sa World Health Organization (WHO) patungkol sa development ng mga tinutuklas na COVID vaccine, at mayroon na silang natukoy na mga lugar at hospitals na gagamitin para sa clinical trial phase 3.

Hindi na po problema ang budget para pambili ng vaccine dahil mayroong inilaang pondo ang gobyerno at kung sakaling kukulangin ay mayrooon ng mga nakausap ang gobyerno na mag-finance sa kakailanganing dagdag na pondo.

Habang hinihintay po natin ang bakuna, patuloy po nating sundin ang paalala at panawagan mismo ni Pangulong Duterte na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health protocols, partikular ang paggamit ng face mask, face shield, physical at social distancing, malimit na paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol o hand sanitizer bilang proteksiyon sa bagsik ng COVID-19.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.