Una sa Balita

Sa ouster move kay Pimentel: Walang balimbing sa Senado

By
0 2

Tiniyak ng mga mi­yembro ng mayorya sa Senado na walang baba­limbing sa kanilang hanay kaugnay ng banta­ ni Senador Antonio Trillanes IV na pata­talsikin si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III kapag hindi nito tinanggal si Senador Richard Gordon bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee.

Ayon kina Senate Majority Leader Vicent­e ‘Tito’ Sotto III at Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, miyembro ng tinatawag na ‘Macho Bloc’ sa Senado, solido ang 16 na miyembro ng mayorya at suportado nila ang liderato ni Pimentel kaya malabong makakuha ng sapat na boto si Trillanes para sa pagpapatalsik sa kanilang pinuno.

Kumpiyansa naman si Senador Migz Zubiri na malalagpasan nina Pimentel at Gordon ang mga pag-atake laban sa kanila.

Binigyang-diin ni Zubiri na tiwala ang mga senador sa integridad at kapabilidad ng dalawang lider na nakikita naman sa kanilang mga trabaho.

Naniniwala naman sina Senador JV Ejercito, Sonny Angara at Joel Villanueva na walang dahilan para sa pagpapalit ng liderato sa senado.

Binigyang-diin nama­n ni Senador Sherwin Gatchalian na ipi­nakita ni Pimentel sa kanyang pamumuno ang pagiging patas kaya maraming mahahalagang panukala ang kanilang naipasa.

Para mapatalsik si Pimentel bilang Senate President­, kailangan ni Trillanes na maagaw ang anim na miyembro ng mayorya upang makabuo ng bagong koalisyon na kinabibilangan ng anim na miyembro ng oposisyon.