Una sa Balita

Sa magtatapos

By ,
0 469

Dahil sa shift ng academic calendar, Hunyo na imbes na Abril o Marso ang nakatakdang pagtatapos o graduation nga­yong taon sa matandang unibersidad sa Maynila na pinagtuturuan ko at pinaglilingkuran bilang tagapangulo ng isang departamento.

Habang isinusulat ko ito, nakatakdang ganapin ngayong araw ang tradisyonal na baccalaureate mass o ang misang parangal sa magsisipagtapos sa iba’t ibang antas ng pag-aaral dito sa aming unibersidad.

Sa loob ng matagal na panahon, itinutumbas natin sa salitang graduation ang pagtatapos ng antas o ng mismong pag-aaral sa kolehiyo. Graduate sa elementarya o nagtapos na sa elementarya pero magsisimula pa lang sa high school.

Graduate o nagtapos na sa high school pero magsisimula pa lang sa kolehiyo. Sa kasaysayan ng pormal na edukasyon, ang magtapos ng kolehiyo ang pinakahuling yugto ng pormal na pag-aaral dahil magsisimula na sa iba’t ibang lara­ngan ang nagtapos.

Pwede magtrabaho na, o magnegosyo, o maglingkod sa pamahalaan. May ibang pipiliing maging katuwang sa pagpapalaki ng pamilya. At hindi rin maiiwasan na may ilang tatambay o tatamarin sa paghahanap ng ikabubuhay. Nangyayari ito at wala tayong judgment sa mga desisyong ito.

Sa kabila ng lahat ng ito, may ibang institu­syong pang-edukasyon ang pinipili ang salitang ‘commencement’ sa pagtatapos ng kanilang mag-aaral imbes na ‘graduation.’ Mas karapat-dapat na salita naman kasi ito.

Commencement o sa wikang Filipino ay pagpapatuloy. Dahil hindi naman kasi talaga nagtatapos. Ang nagtatapos lang, kung estrikto sa kahulugan, ay ang pag-aaral sa antas na tinapos. Pero bawat antas na tinapos, high school patungong kolehiyo halimbawa, ay pagpapatuloy lamang ng pag-aaral.

Pagpapatuloy sa pag-iipon at pagtatamasa ng kaalaman. Pagpapatuloy sa pagharap sa buhay. Pagpapatuloy sa pagtugon sa pangangailangan ng lipunan at kapwa.

Masarap pakinggang graduate na. Lalo kung sa kolehiyo ito. Makakalaya ang magulang o kung sino mang nagpapaaral sa bawat semestreng pagbabayad ng matrikula. O sa araw-araw na pagbibigay ng baon.

Titigil na ang pagbili ng mga aklat, ng mga tesis at malakihang proyektong kadalasan ay nangangailangan din ng malakihang gastos. At ang pinakamaginhawa sa nagpapaaral, bukod sa bawas o tigil na ang gastos, may posibilidad nang kumita ang nagtapos. Makakatulong na sa bahay, makakatulong na sa pagpapaaral ng kapatid. Hindi na magiging pabigat.

Pero ito man ay hindi talaga pagtatapos. Pagpapatuloy lang din ito dahil kailangang gamitin ang natutuhan sa paaralan at sa karanasan. Pwede pa ngang ma­ging pagsisimula dahil maaaring danasin na ng nagtapos ang ma­ging malaya, tugunan ang pangangailangan ng sarili, o mamuhay nang mag-isa. Lahat ng ito ay pagpapatuloy lang dahil kailangang mag-aral muli. Pero ngayon, praktikal na. Trial and error. Maaaring hindi na natutuhan sa unibersidad ang magagamit na karunungan dito. Walang grade. Walang diploma sa karunu­ngang ito. Pero baka mas masarap sa tagumpay ng nagtapos lang sa pormal na pag-aaral.