Una sa Balita

SA LIKOD NG BALITA: Maling impormasyon, batayan ng Batas Militar

By
0 65

Bakit nga ba inilabas ang Exe­cutive Order 216 na nagdedeklara ng Martial Law sa buong Minda­nao habang nasa maliit na siyudad ng Marawi lamang ang gulo?

Sa ulat na ipinadala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Mayo 25, nilatag ang apat na pangyayari bilang dahilan:

Una, noong Mayo 23, sinakop ng bandidong Maute Group ang Amai Pakpak Medical Center (APMC) at ginawang hostage ang ilan sa mga empleyado nito.

Ngunit pinabulaanan ito ng apat na opisyal: Amer Saber, hepe ng APMC; Sr. Supt. Dio­nardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP); Marine Col. Edgard Arevalo, hepe ng Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office (AFP-PAO); at Paulyn Ubial, kalihim ng Department of Health (DOH).

Pangalawa, sinunog ng mga bandido ang tatlong paaralan: Dansalan College Foundation, Benigno Aquino College Foundation, at Marawi Central Elementary Pilot School.

Ngunit Dansalan College lang ang napatunayang natamaan ng sunog. Nilinaw ni Tonisito Umali, Assistant Secretary ng Department of Education (DepEd), at Ana Alonto, Marawi City School Divisions Assistant Superintendent, na hindi natamaan ng kahit anong sunog ang Benigno Aquino College at Marawi Central Elementary Pilot School. Sinabi rin ni Bb. Alonto na mga bomba ng militar at hindi ang Maute ang sanhi ng sunog sa ibang mga paaralan: Mambuay Elementary School, Raya Madaya 1 Elementary School, at Raya Madaya 2 Elementary School.

Pangatlo, limang faculty ng Dansalan College ang napatay ng mga bandido noong sinakop nila ang paaralan. Ngunit ayon kay G. Rannie Mercado, executive director ng United Churches of Christ in the Philippines (UCCP), ang may-ari ng paaralan, walang kumpirmadong napatay.

Aniya, kumpirmadong binihag ng mga bandido ang pitong faculty ng paaralan.

Pang-apat, hinalughog at pinagnakawan ng mga bandido ang sangay ng Land Bank of the Philippines sa Marawi.

Ngunit nilinaw ng Land Bank management na walang pag­halughog at pagnanakaw na nangyari, at bahagya lang natamaan ang gusali nila sa Mindanao State University (MSU) sa bakbakan.

Hindi na isinama ng Pangulo sa kanyang ulat ang mga dati niyang sinabi ngunit napatunayang palpak na impormasyon: ang pagpugot sa ulo ni Sr. Insp. Romeo Enriquez, hepe ng pulis sa Malabang, Lanao del Sur, na nagpakita sa madla nang buhay at nakakabit pa ang ulo; at ang pagsakop ng mga bandido sa Marawi City Hall at MSU, na pinabulaanan mismo ng mga tauhan ng AFP at ni Alma Berowa, Vice President for A­cademic Affairs ng MSU.

Sa panayam niya sa ilang senador, nilinaw rin ni G. Delfin Lorenzana, kalihim ng Department of National Defense (DND), na kayang supilin ng militar ang mga bandido kahit walang Martial Law at kontrolado nila ang sitwasyon sa Marawi dahil kakaunti lamang at nalalagasan pa lalo sa bakbakan ang mga bandido.

Aniya, hindi rin kaya ng mga bandido na ihiwalay ang Marawi sa buong Pilipinas bilang isang nagsasariling republika.

Malamang matapos mapagalitan ng Pangulo, naglabas ng pahayag si G. Lorenzana na kailangan raw ang Martial Law sa Mindanao para supilin ang mga bandido sa Marawi. Ngunit ano ba talaga ang totoo?

Hindi rin totoo na suportado ng karamihan ng mga Pili­pino ang pagdeklara ng Martial Law. Sa isang survey ng Pulse Asia na ginawa noong Marso 2017, tutol ang karamihan o 65 porsyento ng mga Pilipino sa Martial Law bilang solusyon sa mga problema ng bayan: 71 porsyento sa Metro Manila, 76 porsyento sa ibang bahagi ng Luzon, 58 porsyento sa Mindanao, at 45 porsyento sa Visayas, kung saan 36 porsyento lang ang sang-ayon.

Nagrereklamo rin ang mga taga-Mindanao na matagal nang umiiral ang militarisasyon sa kanilang lugar kahit walang Martial Law. Ito’y dahil magpasa-hanggang ngayon, nananatili ang Executive Order 55, na inilabas ng Pangulo noong Setyembre 4, 2016. Nagdedeklara ito ng state of national emergency matapos mapatay ang 14 at masugatan ang 70 katao sa pagbobomba ng Davao night market noong Setyembre 2.

Nagsampa na ng kaso sa Korte Suprema sina Albay Rep. Edcel Lagman at anim pang mambabatas upang ipawalambisa ang Martial Law sa Mindanao.

Ayon sa kanila, walang sapat na batayan ang hakbang ni G. Duterte dahil wala namang rebelyon o dayuhang pananakop na nangyayari sa isla at palpak na impormasyon ang naging batayan ng desisyong ginawa nang mag-isa ng Pangulo.

Anila, nagbunga lang ang bakbakan sa pagtatangka ng militar na hulihin si Isnilon Hapilon, isa sa mga pinuno ng bandidong Abu Sayyaf na nagtatago sa pugad ng Maute. Walang balak ang Maute na maglunsad ng rebelyon o manakop.

Dahil kontrolado rin ng Pangulo ang Korte Suprema, malamang na kopyahin lang nila ang super majority ng Kongreso sa pagsuporta sa Batas Militar.

Ngunit pahirap na ng pahirap na itago ang katotohanan: hindi kailangan ang Martial Law sa Mindanao o kahit saan sa Pilipinas. Makati lang talaga ang kamay ng Pangulo na ibalik ang diktadura.

Email: daniel.agoncillo.@outlook.com