Una sa Balita

SA LIKOD NG BALITA: Laos na ba ang kasalan sa Pilipinas?

By
0 410

May kasabihan na gaano man kahaba ang pro­sesyon, sa simbahan din ang tuloy. Nguni’t hindi na yata ito totoo. Sa Araw ng mga Puso, sa Araw ni Kupido, nagiging palaisipan ang tradisyon ng kasalan dahil bumabagsak na ang bilang ng mga nagpapa­kasal sa Pilipinas sa nakaraang labindalawang taon.

Ayon sa datos ng Philippine Statistical Authority (PSA) na lumabas nito lamang Linggo sa Philippine Daily Inquirer, bumaba ang bilang ng mga rehistradong kasal sa Pilipinas. Mula 593,553 noong 2003, nabawasan ito ng 179,228 o 30% at naging 414,235 na lang noong 2015.

Lumalabas rin sa datos ng PSA na ang bilang ng rehistradong kasal noong 2015 ang pinakamababa sa bansa sa nakaraang 25 taon. Sa pagitan ng 2010 at 2015, bagsak rin ang bilang ng kasal sa simbahan nang 11% at ang bilang ng kasal sa huwes o notaryo nang 16%.
Bakit? Una, ayon sa ulat, patuloy ang pagtaas ng gastusin sa kasalan. Aabot raw sa P500,000 hanggang P4 milyon ang kailangan para sa isang en grandeng kasalan. Para sa nakararami, pinakamababa na ang P5,000 para sa kasalan sa huwes o notaryo at P20,000 para sa kasalan sa simbahan. Nguni’t ayon sa ilang na-interbyu ukol rito, mas gugustuhin nilang gastusin ang pera sa pagbili ng pagkain imbes na sa kasal.

Pangalawa, mas tanggap na ngayon ang kaayusang ‘live-in’ imbes na kasal, lalo na sa magsyota na nagtatapos o nagtapos na ng pag-aaral at may nais abutin bilang mga propesyonal.

Pangatlo, hindi pa legal ang diborsyo sa Pilipinas. Kung magkamali at nagpakasal ang dalawang hindi bagay sa isa’t isa, magiging impiyerno sa lupa ang samahang ito, at maraming nais umiwas sa ganitong sitwasyon, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang may-akda ng panukalang diborsyo sa Kongreso. Kung annulment sa simbahan at legal separation naman ang gagawin, masyadong matagal, mabagal at magastos ang mga prosesong ito, at kung legal separation ang gagawin, hindi na pwedeng magpakasal uli.

Pang-apat, hindi pa legal ang kasalang homosekswal sa Pilipinas, kaya hindi uso ang kasalan sa lumalaking komunidad ng mga LGBT (Lesbian Gay Bisexual at Transgender).

Pero mayroon pang isang dahilan na hindi pa napapansin at napag-uusapan. Kung isa sa magsyotang balak magpakasal ang napagkamalang adik sa droga at pinatay matapos ‘manlaban’, talagang imposible nang mangyari ang kasalan, di ba? Ilan kaya sila? Abangan ang datos ng PSA tungkol sa kasalan para sa taong 2016 at 2017!

***

SSS: Tuloy ang ligaya!

Inanunsiyo kamakailan lamang ng Social Security System (SSS) na sa wakas, susunod sila sa payo ng Commission on Audit (COA) na bawasan ang kanilang taunang gastusin o annual operating expenses. Makakabawas raw ito sa sakit ng ulo ang mga kasaping empleyado at employer ng SSS na magbabayad ng mas mataas na premium para maitaas ang pensyon ng mga retiradong lolo at lola. Nagpasiyang magbawas ang SSS ng P1 bilyon sa mga gastusin nito.

Nguni’t hindi nila sinabi – at walang nagtanong – kung alin ang nabawasan sa kanilang mga gastusin. Nagbigay rin sila ng ideya kung saan sila HINDI magbabawas: sa naglalakihang mga sweldo ng kanilang top management. Anila, ayaw nilang mapirata ang kanilang mga opisyales ng pribadong sector, kung saan sila pwedeng lumipat para sa mas mataas na sweldo at benepisyo.

Bakit gagantimpalaan ang kapalpakan? Sa ilalim ng top management na ito, umabot sa P325 bilyon ang mga premium na ‘di nakokolekta ng SSS mula sa 174,000 na employer sa buong bansa, at 11.8 milyon lamang sa 34 mil­yon na kasapi ng SSS ang nakokolektahan nila ng premium bawa’t taon. Bukod pa rito, di tataas sa 38% to 45% lamang ang annual collection efficiency rate ng ahensya.

Top management rin ang responsible sa maliit na return on investment o ROI sa pamumuhunan ng ahensya sa iba’t ibang negosyo: sa P470 bilyon na ginawa nitong puhunan sa negosyo, kumita lang siya ng 5% ROI o P24.6 bilyon, na mas mababa sa average annual ROI ng SSS na 7%.

Sa kabila ng ganitong kapalpakan, habang P26,400 kada taon ang magiging pensyon ng mga lolo at lola na kasapi ng SSS simula ngayong Pebrero, tuloy ang ligaya ng 31 na opisyales ng top management na ayon sa COA ay kumita ng mula P2 milyon hanggang P6 milyon sa taong 2014.

Kasama rito sina Emilio de Quiros Jr., P4,188,698.36 bilang pa­ngulo at CEO at P2,656,000 bilang board member at commissioner; Elizabeth Bettina Antonio, board member/commissioner, P5,997,400; Rizaldy Capulong, exe­cutive vice president, P4,959,898.83; Eddie Jara, senior vice president, P4,949,365.24; Jose Bautista, senior vice president, P4,896,557.43; Judy Frances See, senior vice president, P4,858,929.87; May Catherine Ciriaco, vice president, P4,747,589.90; Mario Sibucao, vice president, P4,557,731.53;

Juan Santos, board chairman, P4,196,399.84, Marissu Bugante, vice president for public affairs, P4,070,048.65; Agnes San Jose, vice president, P4,414,748.40; Gwen Marie Samontina, vice president, P4,200,986.73; Josie Magana, vice president, P4,034,846.60; Daniel Edralin, board member at commissioner, P3,862,000; Nicholas Balbuena, vice president, P3,847,975.53; Antonio Argabioso, vice president, P3,816,354.33; Elvira Resare, vice president, P3,466,051.92; Milagros Pacayatan, vice president, P3,448,065.53

Voltaire Agas, senior vice president, P3,394,885.21; Ibarra Malonzo, board member at commissioner, P3,307,000; Diana Aguilar, board member at commissioner, P3,187,400; Nestor Sacayan, vice president, P3,156,404.73; Marianita Mendoza, board member at commissioner, P2,998,400; Jesse Caberoy, vice president, P2,866,869.27;

Ma. Lourdes Mendoza, vice president, P2,556,590.01; dating labor secretary Bienvenido Laguesma, board member at commissioner, P2,532,200; George Ongkeko, senior vice president, P2,392,922.27; Gamelin Oczon, vice president, P2,343,084.25; Hidelza Castillo, vice president, P2,162,399.84; Joel Layson, senior vice president, P1,793,339.17; at Edgar Solilapsi, executive vice president, P1,677,182.46.

Dapat pag-isipan ng mga kasapi ng SSS kung handa silang tustusan ang luho ng top management ng ahensiyang ito.  At sa kabila ng kaliwa’t kanang patayan at pagtaas ng SSS premium, isang maligayang Araw ng mga Puso sa lahat!

***

Email: daniel.agoncillo.@outlook.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More