Una sa Balita

SA LIKOD NG BALITA: EJK ba ang nangyari sa Ozamiz?

By
0 296

Hindi pwedeng palampasin lang ang pagpatay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kina Mayor Reynaldo Parojinog at 14 pang iba sa anim na magkakasabay na raid na naganap sa siyudad ng Ozamiz, Misamis Occidental.

Dapat imbestigahan itong mabuti upang matiyak kung ito nga ay mga extra judicial kil­lings (EJK) na ipinatupad sa ilalim ng madugong digmaan kontra droga ng pamahalaang Duterte. 

Wala gaanong simpatiya ang publiko sa pagkamatay ni Parojinog, na matagal nang naiugnay sa mga pagpatay, pagnanakaw, pangingidnap at pagbebenta ng droga ng sindikatong Kuratong Baleleng.

Ngunit may nakikitang mga paglabag sa batas at mga alituntunin ang mga pulis sa kanilang pagpatupad ng mga search warrant at pagsagawa sa mga raid, kung saan namatay rin ang asawa ng mayor na si Susan, mga kapatid nito na sina Octavio Jr. at Mona, at mga tauhan. Parang lumang tugtugin: pinatay raw ang mga suspek dahil nanlaban at nagpaputok ng kanilang mga baril sa raiding team.

Sa mga raid na naganap, inatasan raw ang mga pinagsamang kapulisan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Northern Minda­nao, Misamis Occidental at Ozamiz na maghanap ng mga ilegal na armas at bala sa mga tahanan ng mayor at ng kanyang mga kamag-anak.

Ayon sa anim na search warrant na pinirmahan ng huwes para rito, pwede nilang gawin ito ‘at any time of day or night’.

Malamang na pinakamatindi sa mga kaduda-dudang kilos ng raiding team ang pagparalisa sa mga CCTV camera na nakatutok sa pinangyarihan ng mga patayan.

Inamin ni Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz PNP at pinuno ng mga raid, na ginawa ito upang protektahan ang mga informer ng PNP na isinama sa mga raid. 

Dahil rito, walang vi­deo footage ng mga patayan. Kakailanganin pang siyasatin nang mabuti ang ebidensiya mula sa mga bangkay ng pinatay at sa lugar ng patayan upang makita kung shootout o rubout ang nangyari.

Inamin mismo ni G. Ronald de la Rosa, Director General ng PNP, na mali ang pagparalisa sa CCTV ng raiding team.

Kung nais protektahan ng raiding team ang mga informer nila, pwede namang hindi isama sa raid ang mga ito at ilagay sila sa lugar malapit sa mga raid na tago sa CCTV camera. O kaya, pagsuotin na lang sila ng mga maskara at magtaklob ng kapote o kumot para di kita ang kanilang mga mukha’t itsura. Ngunit hindi ito ginawa. Bakit? 

Kasabay rin sa pagparalisa sa mga CCTV camera ang isang brownout na naganap bago at habang ginawa ang mga raid. Pulis nga ba ang nagpapatay sa kuryente sa lugar? Kung oo, bakit?

Bukod pa rito, iniulat na puro tama sa ulo ang tinamo ng mga napatay. Posibleng kasing galing talaga ni FPJ ang rai­ding team sa barilan dahil asintado nila ang mga ulo ng mga suspek kahit binabaril sila ng mga ito, at nakailag pa sila sa mga putok ng mga baril nina mayor dahil wala ni isa sa kanila ang naiulat na nasugatan. Iyan ay kung totoong nagkaroon nga ng shootout. 

Nakakapagtaka rin na sa mga napatay na nanlaban raw, dalawa rito  ang asawa at kapatid ni mayor  ay mga babae. Nagpa­putok nga ba ng baril ang mga babaeng ito? Hindi ito kadalasang ginagawa ng mga babaeng suspek.

May punto rin si Senador Francis Escudero noong magsalita siya sa media ukol sa mga armas, bala at droga na natagpuan raw ng raiding team sa mga tahanan nina mayor. “Ang nakakapagtaka lang ay pinangalanan na siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isa sa mga narco-politician.

Bakit pa siya magtatago ng droga sa bahay niya? Hindi ito pangkaraniwang ginagawa pwera na lang kung ganoon kalakas ang loob niya”. Nagtanim lang ba ng ebidensiya ang mga pulis? Nangyari na ito sa ibang mga suspek na pinatay ng mga pulis dahil nanlaban raw sila. 

Nakakabahala rin na si Chief Insp. Espenido ang hepe ng Ozamiz PNP at namuno pa sa mga raid. Siya rin ang hepe ng kapulisan sa Albuera, Leyte, noong pinatay naman ang mayor ng Albuera na si Rolando Espinosa Sr.

Nasa narco-list rin ng Pangulo si G. Espinosa, at pinatay siya sa loob ng isang selda sa Albuera ng isang grupo ng mga pulis na pinamunuan ni Supt. Marvin Marcos noong Nobyembre 5, 2016.

Matapos nito, nilipat si Chief Insp. Espenido sa Ozamiz. Ano nga ba ang papel niya sa mga patayang ito? Siya ba ang nagplano? 

Sa rekomendasyon ng Senado matapos ng isang masusing imbestigasyon sa pagpatay kay Mayor Espinosa, kinasuhan si Supt. Marcos at ang kanyang mga tauhan ng murder at ikinulong.

Ngunit sa utos umano ni G. Duterte, pinababa ang kaso nila sa homicide, pinalaya sila sa pamamagitan ng pagpiyansa, at ibinalik pa sa kapulisan. Na-promote pa si Supt. Marcos.

May gantimpala na nga ba para sa lahat ng mga pulis na lumalabag sa batas at alituntunin?

Sa ilalim ng Revised PNP Operational Procedures, dapat imbestigahan agad ng Department of Justice (DOJ) at PNP ang mga raid ng kapulisan na nauwi sa patayan upang alamin kung tama ang ginawang pagpatay ng mga pulis.

Ngunit matapos nang ginawa ng DOJ sa utos mismo ni G. Duterte kay Supt. Marcos at iba pang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Mayor Espinosa, magiging patas ba ang imbestigasyon nito at ng PNP sa pagpatay kina Mayor Parojinog? 

Nagsalita rin si Senador Franklin Drilon ukol sa pagkakahawig ng pagpatay kina Mayor Espinosa at Parojinog. Malamang ay iimbestigahan na rin ng Senado ang kaduda-dudang patayang ito.

At nag-anunsyo na rin ang Commission on Human Rights na iimbestigahan nila ang pangyayari alinsunod sa kanilang mandato sa ilalim ng ating Saligang Batas.

Binabantayan rin ng Human Rights Watch at iba pang grupong internasyonal ang mga nagaganap na imbestigasyon. Kaya dapat lang na lumabas ang katotohanan ukol sa mga patayang ito.
  
Email: daniel.agoncillo.@outlook.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More