Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sa erpat

0 89

Ganito ang kapangyarihan ng salita. Hindi na lang basta nagbibigay ng kahulugan sa tinutukoy, maaaring magtaglay pa ito ng konotasyon batay sa paggamit ng isang tao. Halimbawa ang salitang ‘erpat’. Alam naman natin ang ibig sabihin nito: ama, tatay, itay, daddy, papa, tatang, amang. Pero bukod sa kahulugan, mahihinuha natin ang katayuan at ugnayan ng tao sa kaniyang lipunan kapag ginamit niya ang salitang ‘erpat’ imbes ang mas nakagawiang pantawag na ‘tatay’.

Mas marami na rin marahil ang gumagamit ng daddy, dad, o papa. May ilang kakilala ako sa amin sa Valenzuela at Bulacan na makalumang ‘ama’ ang tawag: ‘Magpapaalam muna ako kay ama na sasama ako sa inyo.’ O kaya, ‘Ama, hinahanap po kayo ni Mang Felix, may ipapagawa daw sa inyo.’ Ang mga kamag-anak ko naman, ‘tata’ ang tawag sa kanilang ama. Samantala, tatay naman ang tawag sa akin ng dalawa kong anak.

Balik tayo sa ‘erpat’. Binaligtad—o mas eksakto, anagram ito—na salitang Latin na ‘pater’ galing ang salitang ‘erpat’. Dito galing ang kilala nating tawag sa Ingles na ‘father’. Noong dekada sitenta, nauso ang koda ng pagbabaligtad sa bigkas ng mga salita. Naging popular mula noon ang mga katulad ng salitang ‘erpat’ gaya ng ‘ermat’ (ina), erbi (beer), oblo (‘loob’ ng kulungan), wakali (kaliwa), at marami pang iba. Maririnig pa rin ito ngayon.

Ang maaaring konotasyon sa sinumang gagamit sa mga ganitong uri ng salita ay ang pagiging malapit ng ama sa anak. O kaya ay ang uri ng pamumuhay nila na middle-class na nasa urban area. Bihira ito noong marinig sa lalawigan. Karaniwan, ginagamit ang salitang erpat ng mga nasa lungsod kung hindi man mismong nasa Kamaynilaan.

May ibinubunsod ding kontasyon ang salitang ‘daddy’. Maaaring isiping nakaririwasa ang pamilyang gumagamit ng pantawag na ito. Kung paanong makaluma at konserbatibo ang sinumang gumagamit ng salitang ‘ama’bilang pantawag sa kaniyang ‘erpat’.

May pamilyang nagkakaroon ng sariling koda ng tawag sa kanilang magulang. Depende sa mapagkakasunduan na karaniwan ay nagsisimula sa tawag ng mga anak noong bulol pa. May alam akong papay, paps, tatey, dadu ang tawag sa kanilang ama. Iyon na rin ang naging endearment ng kasapi ng pamilya. Nakatutuwa dahil nagiging katangi-tangi ang tawagan.

Malinaw naman sa inyo, mga ginigiliw kong mambabasa,kung bakit ito ang paksa ng aking kolum: Father’s Day. Marami na namang naglipanang kasangkapan ng komersyalismo para iparamdam kung gaano natin kamahal ang ating ama. May bibili ng regalo. O kaya aykakain sa restawran. Natural din sa iba ang mag-inuman. Sa totoo lang, noong mga nagdaang taon na tatay na ako, hindi ako nasanay na ipagdiwang ang okasyon. Hindi nakasanayan ng aking asawa o ng aking dalawang anak, maliban sa pagbati ng ‘Happy Father’s Day’ pagkagisingsa umaga. Sapat na iyon.

Gayunman, hindi naman ako nagkukulang sa pagbati sa mga kapwa ko ama ng ‘Happy Father’s Day!’ Ano ba naman ang kapirasong mensaheng kay dali nang ipadalangayon?

Kaya sa mga kapwa ko ama, at nagpapaka-ama, hangad ko ang inyong tuloy-tuloy na lakas at kalusugan, ang talino at katwiran. Tara, tagay!

Leave A Reply

Your email address will not be published.