Una sa Balita

Sa Buwan ng Wika, taas-noo ang kabataang Pilipino

0 519

Bago matapos ang buwang ito, nais kong batiin ang ating kabataang mag-aaral ng isang ­maligayang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa!

“Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino”, ito ang tema ng selebrasyon ngayong taon. Sa mga nagdaang linggo sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan, naging matagumpay ang kabi-kabilang pagbabalik­-­tanaw sa ating ­tradisyon, kultura, kaugalian at ­pagdiskubre sa lokal na produkto, ­serbisyo at maging­ sa ­kaalaman ­tungkol sa wikang­ ­katutubo.

Hindi mawawala rito ang pagdaraos ng kinder hanggang senior high school students ng mga quiz bees, paggawa ng mga islogan kaugnay sa tema, pagtatalumpati, pagbigkas ng isang katutubong tula, parada ng katutubong kasuotan at eksibit na nagtatanghal sa mga bayani ng wika ng lalawigan, rehiyon.

Sa kolehiyo naman, sila’y aktibo sa pagsasagawa ng mga porum at talakayan sa iba’t ibang mga katutubong wika sa bansa, pagsasaliksik sa ­pangangalaga at pagpapa­lakas ng mga ­katutubong wika at pagpapatibay ng mga patakarang­ pangwika ng ­unibersidad o ­kolehiyo para sa ­wikang ­Filipino maging sa wikang­ ­katutubo.

Kung ating titingnang maigi, ano nga ba ang kabuluhan ng paggunita ng wikang katutubo?

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang ilan sa mga layunin nito ay para maitaas ang kamalayan nating mga Pinoy sa multilingguwa­lismo at mahikayat ang bawat isa na ­magsagawa ng mga programang pangwika­ na makatu­tulong sa pangangaila­ngan ng ating lipunan.

Nais ding pangalagaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga karapatang pangwika sa pamamagitan ng mga patakarang ­ipatutupad upang magkaroon ng seguridad laban sa anumang diskriminasyong pangwika.

Sa madaling sabi, kailangan­ nating maipa­laganap ang pagtukoy at paggamit ng wikang katutubo sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas.

Sa pamamagitan ng mga school activities, lubos na masasanay ang mga kabataan na ­maging kaisa sa layunin na kilalanin­, tangkilikin at pahalagahan ang ­sariling atin.

Noon pa man, talaga namang natutuwa na tayo sa partisipasyon dito ng mga mag-aaral dahil hindi lamang nadarag­dagan ang kanilang kaalaman at nahahasa ang kanilang talento, kundi, naniniwala tayo na tumitindi rin ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit para sa bayan.

Sa pamamagitan ng pagpaaangat ng ­paggamit at kamala­yan ng mga katutubong wika tulad ng Cebuano, ­Ilocano, Hiligaynon­, Kapampangan­ at iba pa, ito ay sumasalamin sa katotohanang nagkakaisa pa rin ang bawat mamamayang Pilipino—anuman ang ­pagkakaiba at saanman tayo ­naroroon—ito ay dahil­ sa ating pagmamahal­ sa Inang Bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy