Una sa Balita

Sa atin ang West PH Sea

0 5,148

Ang mga naging pahayag kamakailan ni Pangulong Duterte ukol sa West Philippine Sea ay tila pagsuko na ng ating teritoryo sa China. Sinabi ng Pangulo na pag-aari na ng China ang South China Sea. Isa itong napa­kalaking pagkakamali. Iligal ang pag-angkin ng China sa halos 80% ng South China Sea kasama ang mga islang nasa loob ng territorial waters at Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ang naririnig sana natin mula sa Pangulo ay ang paglaban ng ating karapatan sa West Philippine Sea imbes na pagsuko at pananahimik. Sa atin ang West Philippine Sea at hindi dapat natin ito isuko. Ang mga likas na yaman, isda at langis na maaari nating makuha sa West Philippine Sea ay mapapakinabangan ng maraming Pilipino sa matagal na panahon. Hindi lamang ito usapin ng pagkain at enerhiya. Ito ay usapin ng ating kalayaan at dignidad bilang isang bansa.

Nakakagalit na nakikita natin ang mismo nating gobyerno na ipinauubaya ang ating teritoryo sa dayuhang bansa na China. Sa kabila ng pang-aabuso ng China sa ating mga mangingisda at sundalo, nanatiling tahimik at maamo ang admi­nistrasyong Duterte sa mga iligal na aksyon ng China sa West Philippine Sea.

Laging iginigiit ng administrasyon na nagbibigay naman ng tulong ang China sa Pilipinas kaya mabuting ipagpatuloy ang magandang relasyon sa kanila. Wala naman tayong problema sa pakikipagkaibigan sa ibang mga bansa hangga’t hindi nalalagay sa alanganin ang ating mga pambansang interes.

Bukod pa dito, ang mga tulong kuno na ibinibigay ng China sa Pilipinas ay hindi naman talaga maitutu­ring na tulong. Ito ay mga loan o pautang na kailangan rin naman nating bayaran. Ito ang nagiging busal sa bibig ng administrasyong Duterte hinggil sa West Philippine Sea.

Sa ngayon, patuloy ang pangungutang ng administrasyong Duterte sa China. Ito ay maaaring maglubog sa atin sa utang tulad ng nangyari na sa ibang mga bansa. Halimbawa na lamang ang Djibouti na ipinangbayad-utang ang kanilang teritoryo at ang Sri Lanka na isinuko ang kanilang pantalan sa China.

Ang hiling lang naman natin sa admi­nistrasyon ay ipaglaban ang ating karapatan sa ating teritoryo at huwag isakripisyo ang kapakanan ng bansa sa pakikipag-ugnayan nito sa China. Kung anong tapang ng Pa­ngulo nang sabihin niya noon sa kampanya na magje-jetski siya para itanim ang bandila ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ganyan din sana ang nais na­ting makita mula sa kanya ngayon. Bilang pinakamataas na lider ng bansa, siya dapat ang unang nagtatanggol sa ating bansa at hindi siyang unang sumusuko.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy