Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sa Ako Bicol may forever!

0 138

Isang malaking karangalan na ako’y naging ninong sa kasalang bayan na idinaos sa Legazpi City noong Oktubre 2, 2021.

Masaya akong naging bahagi at saksi sa isa sa pinakamahalagang okasyon sa buhay ng mga magkabiyak. Umabot sa 50 kababayan natin ang nabigyan ng Ako Bicol Party-list ng libreng kasal na ginanap sa Banquerohan Elementary School sa Barangay Banquerohan, Legazpi City.

Sila po’y mga mag-asawang matagal nang nagsasama ngunit ‘di pa naikakasal sa Simbahan sa iba’t-ibang dahilan. Isa na rito ang kahirapan na lalo pang pinalala ng COVID-19 pandemic.

Nakarating sa inyong lingkod at Ako Bicol Party-list ang kahilingan ng mga mag-asawa na sila’y makasal sa Simbahan kaya’t tinupad natin ang kanilang pangarap, katuwang ang Parokya sa Barangay Banquerohan.

Dahil nasa ilalim ng general community quarantine ang Albay, mahigpit na ipinatupad sa ginanap na seremonya ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face masks at social distancing.

Kahit nasa gitna ng pandemya ang bansa, hindi napigilan ang pagmamahalan ng ating mga kababayan. Bakas sa mukha ng mga bagong kasal ang kasiyahan nang sila’y magpalitan ng “I do” at matamis na halik.

Hindi lang po bendisyon ng Simbahan ang kanilang nakamit, kundi may pabaon din ang Ako Bicol na tig-iisang sakong bigas, cakes, photo laminated frames, at cash assistance na maaari nilang gamiting puhunan sa maliit na negosyo. Walang pagsidlan ang pasasalamat ng mga ikinasal sa natanggap na biyaya.

Ito na po ang ikatlong kasalang bayang inihatid ng Ako Bicol Party-list sa buong Bicol Region ngayong taon. Noong Pebrero 27, labing-siyam na pares ang sabay-sabay na ikinasal sa Embarcadero de Legazpi sa Legazpi City. Bukod sa kasal, sinagot din ng Ako Bicol at Aksyon Co Center ang binyag at kumpil ng mga magkasintahan noong Pebrero 15 dahil bahagi ito ng requirement upang sila’y maikasal.

Noong Hunyo 19, dalawampung kababaihan naman ang naging “June bride” nang maikasal sa kanilang partner sa isinagawang Kasalang Bayan ng Ako Bicol Party-list sa Daet, Camarines Norte. Ang inyong lingkod at ang kasama kong si Cong. Alfredo Garbin Jr. ang tumayong ninong sa mga magkakapareha.

Kamakailan lang ay naging ninong din ang inyong lingkod sa golden wedding ng 187 magkabiyak sa Albay na ginanap naman sa Albay Astrodome. Sila po’y ehemplo ng matatag at panatag na pamilyang Filipino. Ang makasaysayang kasalan ng 50 taon nang mag-asawa’y patunay na sa Albay ay may forever.

Maraming salamat at naging bahagi po ako ng inyong makasaysayang araw. Taus-pusong pasasalamat din sa ating Gobernador Al Francis Bichara na nanguna sa aktibidad na ito at sa iba pang panauhin sa event.

Sa lahat ng mga ikinasal, dalangin ko ang inyong maayos, masaya at tuluy-tuloy na pagsasama. Dios Mabalos! Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.